No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

OccMin, wagi sa Best Video Presentation sa DOST-RICE Mimaropa 2021

Occ Mdo, wagi bilang Best Video Presentation sa DOST-RICE MIMAROPA 2021

Ang Inclined Air Reversible Palay Dryer ay nakahilig o inclined ang mismong lagayan ng palay, na makakatulong upang makaikot ng maayos ang hangin sa loob ng dryer na siyang tutuyo sa ibabaw at loob ng bawat butil. (DOST Occ Mdo)

Nakamit ni Jaye De Vera ng Occidental Mindoro ang Best Video Presentation Award para sa kanyang saliksik na Inclined Air Reversible Palay Dryer, sa ginanap kamakailan na Regional Invention Contest and Exhibits (RICE) 2021 ng Department of Science and Technology (DOST).

Ayon kay De Vera, bagong graduate ng San Jose National High School, pangunahing layunin ng kanyang isinumiteng proyekto na tulungan ang mga magsasaka na mapatuyo ang kanilang aning palay sa mas episyenteng paraan.

Sa prototype ng kanyang saliksik ay naipakita ni De Vera na maaaring matuyo ang palay gamit ang hangin. Ginawa din niyang nakahilig o inclined ang mismong lagayan ng palay, na aniya ay makakatulong upang makaikot ng maayos ang hangin sa loob ng dryer na siyang tutuyo sa ibabaw at loob ng bawat butil.   

Sa isang panayam, inilahad ni De Vera na bilang anak ng isang magsasaka, danas nila ang problema sa pagtutuyo ng palay tuwing panahon ng tag-ulan, lalo kung may bagyo at Habagat. Aniya, mahalaga na maayos na matuyo ang inaning palay upang mabili ito sa magandang presyo.  

Alinsunod sa pamantayan ng National Food Authority (NFA), tanging mga nakapasa sa quality standard and specification ng palay ang mabibili sa buying price ng NFA na P19.00 bawat kilo. Ayon kay Engr Joriel Cano, Information Officer ng NFA, tinitingnan ng kanilang tanggapan ang moisture content, purity at discoloration ng nasabing butil.

Sinabi pa ni De Vera na ipupursige niyang mapondohan ang kanyang Air Reversible Palay Dryer upang hindi manatiling prototype lamang.  Binanggit nito na lalapit siya sa DOST at magpapatulong na makakuha ng pondo para sa upscaling ng kanyang proyekto. Dagdag pa ng youth researcher, magiging ganap ang kanyang saliksik kung makikitang pinakikinabangan ng mga magsasaka ng lalawigan ang kanyang proyekto.

Payo ni De Vera sa kapwa nya kabataan na ipagpatuloy ang pag-abot sa mga pangagarap. Aniya, dapat gamitin ang pagiging malikhain upang matugunan ang mga pangangailangan ng komunidad. “Higit sa lahat, magtiwala tayo sa gabay ng Panginoon,” pagtatapos ni De Vera.  (VND/ PIA MIMAROPA)


About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch