No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Don Pedro Park sa Kapitolyo ng Palawan, bagong atraksiyon

Don Pedro Park sa Kapitolyo ng Palawan, bagong atraksiyon

Bukas na sa publiko upang pasyalan ang Don Pedro Vicente Park na matatagpuan sa harap ng Kapitolyo ng Palawan. (Larawan ni Orlan C. Jabagat)

Isang bagong atraksiyon ngayon sa harap ng Kapitolyo ng Palawan ang bago at mas pinagandang Don Pedro Vicente Park.

Ang nasabing parke ay pinangalan sa mismong nagbigay ng lupa na si Don Pedro Vicente kung saan nakatayo ngayon ang Kapitolyo ng Palawan, Legislative Building, Cory Park at ang parke.

Bukas na ito sa publiko matapos pasinayaan noong Nobyembre 22 ng gabi, sa pangunguna ni Palawan Gob. Jose Ch. Alvarez.

Naging panauhin sa pasinaya nito si Ginang Aveline Vicente-Lagan na nag-representa sa Vicente Clan na siyang nag-donate ng nasabing lupain.

Gabi-gabi ay dinarayo na ito ng mga namamasyal, partikular ng mga pamilya, mga bata, magkakaibigan at mga nagtatrabaho bago umuwi sa kanilang mga tahanan.

Makikita sa parke ang nagagandahang ilaw, mga palamuting pampasko at ang maganda nitong desenyo.

Isinaayos ng pamahalaang panlalawigan ang nasabing parke nitong mga nakalipas na buwan upang mas lalong mapaganda at makapagbigay ng kaaya-ayang lugar na maaaring pasyalan ng mga mamamayan lalo na ngayong unti-unti nang pinapayagan ang pagbubukas ng turismo at paglabas ng mga mamamayan dahil nasa ilalim na ng Alert Level 2 ang lungsod at lalawigan base sa pinakahuling panuntunan na inilabas ng National IATF. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch