No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Benepisyaryong samahan ng DA-SAAD sa Magsaysay, naglabas na ng kanilang mga produkto

Benepisyaryong samahan ng DA-SAAD sa Magsaysay, naglabas na ng kanilang mga produkto

Ang Wood Vinegar ay maaring gawing pataba at pestisidyo na mabibili sa STWV FA sa halagang P150 bawat 1.5 litro. (MAO Magsaysay)

Maaari nang mabili ang mga produktong-agrikultura na gawa ng dalawang samahan ng mga magsasaka mula Sitio Bicol, Brgy Laste, Magsaysay.

Ang mga samahang Sipag at Tiyaga: Wood Vinegar Farmers Association (STWV FA) at Bangon Magsasaka CRH Farmers Association (BMCRH FA) ay kapwa benepisyaryo ng Department of Agriculture-Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD).

Ayon kay Richard Ochavez, Municipal Agriculturist Officer ng Magsaysay, sumabak muna sa pagsasanay sa paggawa ng kani-kanilang produkto ang mga miyembro ng dalawang grupo. Wood vinegar para sa STWV FA at Carbonized Rice Hull naman para sa BMCRH FA. Aniya, ang kanilang tanggapan (MAO) ang nagbigay ng pagsasanay at tiniyak nilang sapat ang kakayahan ng mga ito na gawin ang mga napiling produkto at may kaalaman sa pagpapatakbo ng negosyo.  

Ipinaliwanag ni Ochavez na ang Wood Vinegar ay maaring gawing pataba at pestisidyo. Bilang pataba, may kakayahan ang nabanggit na produkto na pagandahin ang ugat at dahon ng halaman; palakasin ang pagkuha ng ugat ng sustansiya sa lupa; at, pabilisin ang paglaki ng halaman. Bilang pestisidyo, itinataboy nito ang mga insekto at peste at nagbibigay dagdag-proteksyon sa halaman laban sa amag, bacteria at virus.

Samantala, ginagamit namang soil conditioner at fertilizer ang inuling na ipa o carbonized rice hull (CRH). Ayon pa kay Ochavez, nagbibigay-nutrisyon sa lupa ang CRH tulad ng calcium, magnesium, phosphorus at iba pa, dahilan upang gumanda ang kalidad ng lupa na siyang kailangan ng mga pananim.

Naniniwala ang opisyal na tatangkilikin ang mga produkto ng dalawang samahan dahil itinaon ito sa taniman ng sibuyas sa Magsaysay. Dagdag pa ni Ochavez, mas mababa ang ipinataw na presyo ng samahan upang maging mas kaakit-akit sa potential clients. Halimbawa aniya, mabibili ang wood vinegar sa ibang tindahan sa halagang P200 bawat 1.5 litro samantalang P150 lamang ito sa STWV FA.

Para sa mga nais subukan ang produktong gawa ng STWV at BMCRH, maaaring makipag-ugnayan kay Maximino Mendez, Chairman ng dalawang samahan, sa 0921-793-9790 o 0975-298-5120. (VND)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch