No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Programa sa Edukasyon, prayoridad ng SK Pagasa, Sablayan sa 2022

Programa sa Edukasyon, prayoridad ng SK Pagasa, Sablayan sa 2022

Isa sa mga programa ng SK Pagasa ang Provision of School Supplies, kung saan tulad ng sumikat noon na community pantry , imbes pagkain, ay school supplies ang ipinamimigay. (WJ Lingbaoan)

Sa simula pa lamang ng termino ng mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) ng Barangay Pagasa, Sablayan, prayoridad na ng mga ito ang edukasyon, at anila’y ipagpapatuloy ito sa taong 2022.

Paliwanag ni SK Chairman Willy Jay Lingbaoan, kalahati ng populasyon ng kanilang barangay ay mga Katutubong Mangyan o Indigenous Peoples (IPs), at karaniwan na ang mga kwento ng kabataang hindi nakatapos sa pag-aaral at nanatili sa kinagisnang pamumuhay na salat sa karangyaan.

Hangad ni Lingbaoan na mabago ang ganitong mga kwento. Mainam aniyang maintindihan ng kapwa niya kabataan, lalo na nga mga IPs, ang halaga ng edukasyon, at kaakibat na pagsisikap na makatapos lalo na sa Kolehiyo. “Naniniwala ako sampu ng aking mga kasamahan, na edukasyon ang susi upang mabago at umunlad ang kabuhayan ng ating mga mamamayan,“ saad ni Lingbaoan. Kaya naman gamit ang kanilang konting pondo ay gumawa sila ng mga programa na makakatulong sa kabataan ng Barangay Pagasa lalo na ang mga indigent o kabilang sa mahirap na pamilya.

Isa rito ang proyektong Provision of School Supplies. Ayon sa SK Chairman, gumawa sila ng community pantry na imbes pagkain ay school supplies ang ipinamimigay, gaya ng notebook, papel, ballpen, correction tape at iba pa. Ani Lingbaoan, pinili nila ang mga kagamitan at materyales na higit na kailangan ng mga mag-aaral na gumagamit ng modules. Sa P18,000 na pondo para sa nasabing programa, nasa 80 estudyante ang nabiyayaan nito

Inilunsad din ng SK Pagasa ang Educational Assistance Grant. “Kailangan ng ating mga mag-aaral ng tulong-pinansyal para sa kanilang pagi-internet, pambili ng load o iba pang gamit sa school,” kwento ni Lingbaoan. Prayoridad na benepisyaryo ng programa ang mga nag-enroll sa Alternative Learning System (ALS), at mga katutubong mag-aaral. Pinagsumite sila ng certificate of indigency mula sa kanilang barangay upang matiyak na kabilang sila sa mahirap na pamilya at tunay na kapos sa aspetong pinansyal. Target ng programa na magkaloob ng P800 kada isa sa kabuuang 60 benepisyaryo. Una nang tumanggap ang 30 kabataan at ang iba pa ay bibigyan ngayong Disyembre.

May isa pang programa na pinag-aaralan ang SK Pagasa, ang Special Tutorial Program. Paliwanag ni Lingbaoan, maraming mag-aaral sa kanilang komunidad ang hindi makahabol sa aralin  dahil kapos sa kakayahang magturo ang kanilang magulang. Ito ang nagbunsod kina Lingbaoan na pag-aralan kung paano makakagawa ng sistema kung saan ang hihingin ang tulong ng mga propesyonal sa barangay upang turuan ang mga estudyante na nahihirapan sa kanilang aralin. “Marami na tayong kinausap para sa programang ito at nakuha naman natin ang kanilang suporta,” ayon pa kay Lingabaoan.

Umaasa ang SK Pagasa na sa pamamagitan ng mga nabanggit na programa, higit na mauunawaan ng mga kapwa nila kabataan kung gaano kahalaga ang edukasyon. Giit ni Lingbaoan, tagumpay na nilang maituturing sakaling mabawasan kung hindi man tuluyang mawalan ng mga out-of-school youth ang kanilang barangay. (VND/ PIA MIMAROPA)


About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch