No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

DTI Agbiliwa Trade Fair 2021, extended hanggang Disyembre 30

DTI Agbiliwa Trade Fair 2021, extended hanggang Disyembre 30

Isa ang Caramela Sweets and Savory sa mga bagong exhibitor sa isinasagawang Agbiliwa Trade Fair 2021 ng DTI. (PIA Occ Mdo)

Extended ang Agbiliwa Christmas Bonanza Trade Fair ng Department of Trade and Industry Occidental Mindoro hanggang Disyembre 30.

Ang Agbiliwa ay isa sa mga regular na programa ng DTI na may layong tulungan ang mga MSMEs ng lalawigan na makapag-promote ng kanilang mga produkto at kumita.

Ayon kay Nornita Guerrero, OIC- Provincial Director ng DTI, nagsimula ang Agbiliwa noong ika-10 ng Disyembre at matatapos sana sa Disyembre 20. Subalit dahil sa pagdating ng Bagyong Odette sa bansa, minabuti ng DTI na mas maagang tapusin ang Trade Fair noong Disyembre 16. Paliwanag ni Guerrero, naranasan kasi nila noong 2019 na sinira ng bagyo ang mga produkto nila sa kaparehong aktibidad.

“Humiling ang ating mga exhibitors na kung maari, sakaling hindi naman mananalasa ang bagyo sa San Jose, ay ituloy ang ating Trade Fair,” ani Guerrero. Aniya, pangunahing dahilan ng mga exhibitors ay ang malaking kita nila mula sa nasabing gawain. Kaya’t nang matapos ang bagyo ay muling hiniling ng DTI sa Pamahalaang Lokal na mapalawig pa ang Agbiliwa na agad namang pinayagan.

Lubos ang pasasalamat ng mga exhibitor sa desisyon ng DTI na ituloy ang Agbiliwa matapos ang bagyo. Ayon kay Ana Carmela Marie Paredes, may-ari ng Caramela Sweets and Savory, malaki ang pakinabang na nakukuha nilang mga exhibitor sa mga ganitong trade fair ng DTI, lalo na ang mga gaya niyang bago pa lamang sa pagnenegosyo. Sinabi ni Paredes na bukod sa nakikilala ng publiko ang kanyang produkto, nakakakuha din siya ng ilang potential long-term clients.

“Bukod sa kita at benepisyo sa Agbiliwa, madami din akong natututunan sa mga pagsasanay na pinangungunahan ng DTI. Mas naiintindihan ko kung paano mas mahusay na patakbuhin ang aking negsoyo,” saad pa ni Paredes.

Bagama’t unang beses pa lang sumali ng Caramela Sweets and Savory sa Agbiliwa, masaya si Paredes sa naging takbo ng kanyang negosyo. Umaasa ito na sa iba pang kaparehong programa ng DTI ay muli siyang aanyayahan ng ahensya, at buong-puso aniya itong tatanggapin.

Ang Agbiliwa Christmas Bonanza Trade Fair ay may 20 exhibitors. Maari itong pasyalan sa San Jose Municipal Plaza at bukas araw-araw, 9:00 AM - 9:00 PM hanggang Disyembre 30. (VND/PIA MIMAROPA)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch