No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Nutribuns, tugon sa malnutrisyon ng mga bata sa Palawan

Nutribuns, tugon sa malnutrisyon ng mga bata sa Palawan

"Ang pangunahing ayuda na binigay natin ay itong nutribuns para sa mga bata. Ito kasi ang pinakamadaling pagkain na maari nating ma-ibigay agad sa kanila bilang temporary feeding natin pagkatapos ng pananalasa ng bagyong Odette.”

Ito ang naging pahayag ni Palawan Provincial Nutrition Office, Provincial Nutrition Action Officer (PNAO) Rachel Paladan sa isinagawang nutrition in emergency assessment ng kanyang tanggapan sa Bayan ng Roxas, Palawan, na isa sa mga munisipyo sa Palawan na malubhang sinalanta ng bagyo.

Kasabay nga ng gawaing ito ay ang pamamahagi ng nutibuns sa mga bata bilang pansamantalang tugon sa pangangailangan sa nutrisyon ng mga ito habang hindi pa sapat ang suplay ng pagkain sa nasabing bayan.

Ayon kay PNAO Paladan, ang nutribuns ay mayroon mahigit 50% calories na katumbas ng isa at kalahating takal ng kanin (1 ½) na malaking tulong bilang suporta sa nutrisyon ng mga bata lalo na sa mga maituturing na mayroong acute malnutrition.

Ipinapaliwanag ni Palawan Provincial Nutrition Action Officer Rachel Paladan sa mga magulang ang kahalagahan ng nutibuns sa nutrisyon ng mga bata sa Roxas, Palawan. (Larawan mula kay Cyrus Claridad ng PIO-Palawan)

Nilinaw ni PNAO Paladan na ang nutribuns ay food support lang sa pagkain ng mga bata, mainam pa rin na pakainin ang mga ito ng pagkaing angkop para sa kanila tulad ng kanin, gulay at prutas upang manumbalik ang kanilang enerhiya at kalusugan.

Dalawang beses sa isang araw ang pagbibigay ng nutribuns sa mga bata kung saan pangangasiwaan ito ng mga itinalagang Barangay Environment, Agriculture and Nutrition Scholars o BEANS sa Roxas para sa close monitoring ng programa.

Bukod sa nutribuns ay mayroon ding ibinigay na micronutrient powder bilang pandagdag suporta na pampagana sa pagkain at timbang ng mga batang hindi sapat ang timbang. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch