No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Bakit ka nagpa-booster shot?

Lahat tayo ay may naging karanasan na maibabahagi kaugnay sa COVID-19 pandemic. Halu-halong emosyon ng kalungkutan at pag-aalala ang lumunod sa pamayanan.

Subalit may pag-asa sa lahat ng bagay at sa buhay na makakaya nating labanan. Gaya na lamang ng pagpapanatiling protektado ng ating mga katawan mula sa COVID-19 na kumitil ng maraming buhay.

"...along the way palang daw (pa-ospital), parang nag-ano na si mama... parang last breath (sa loob ng kotse)," bahagi ni Jeanie Alviar, isang empleyado ng Philippine Information Agency (PIA).

Isa si Jeanie sa maraming Pilipinong namatayan ng magulang dahil sa COVID-19. Sa kanyang kwento, maaaring nahawa ang kanyang inang 71 taon gulang na si Janet A. Bartolome nang dalhin nila ito sa ospital noong July 3, 2020 upang magpagamot sa sakit na Urinary Tract Infection (UTI) at Diabetes.

Matapos ang bisita sa ospital ay nahirapan naman sa pag hinga ang ina dahilan para bumalik sa pagamutan, nawalan na ito ng malay sa loob ng kotse at hindi na na-revive nang makarating sa ospital.

Lumabas na nag positibo ang ina sa COVID-19 at nahawa rin si Jeanie at ang ilang miyembro sa pamilya nito. Halos isang buwan silang naka quarantine sa tahanan. Bukod sa pagluluksa, namuo kay Jeanie ang araw-araw na pag-aalala sa kalusugan ng mga anak.

May pag-aalinlangan din pagdating sa bakuna kontra COVID-19 subalit nagbago ito nang dumami na ang nagpapa bakuna sa kanyang mga kamag-anak. Kaya't nang magkaroon ng vaccination ang PIA na ginanap sa National Printing Office sa Lunsod Quezon, ay agad din siyang nagpabakuna ng COVID-19 vaccine.

"After ko magka-COVID, parang lagi akong napapagod... may hingal pag-akyat ng hagdan... nung nagpa-vaccine nako, nung 1st and 2nd doses, parang gumaan yung sa paghinga ko," bahagi ni Jeanie.

Ayon kay Jeanie, bumalik ang dating lakas ng kanyang katawan matapos magpa bakuna kaya't hindi rin siya nag atubili na magpa bakuna ng COVID-19 booster.

Kasama ang iba pang mga empleyado ng PIA, nabakunahan si Jeanie ng booster shot ngayong February 3, 2022 sa PIA lobby sa Visayas Avenue, Quezon City.

Dagdag pa ni Jeanie na siya ang naghikayat sa kanyang pamilya na mag pabakuna. Ibinahagi niya rin ang pamimilit niya sa panganay na anak na ayaw magpabakuna noon.

"'wag na nilang antayin na tamaan sila ng COVID tapos lumala... hindi rin kasi natin alam yung kapasidad ng katawan natin... kung ano yung kakayahan niyang labanan yung COVID," sabi ni Jeanie.

Tuluy-tuloy na ang pagdating ng bakuna sa bansa at nakahanda na rin pamahalaan sa pagbabakuna sa kabataang may edad na 5-11.

Nais din ni Jeanie na mabakunahan ang kanyang bunsong anak kapag nagsimula na ang pediatric COVID-19 vaccination.

"Malakas na 'yung loob ko! May bakuna na 'ko... kung tamaan man, hindi na lalala ng sobra, malalabanan ko naman siguro. Kaya nagpa booster ako para dagdag proteksyon," ayon kay Jeanie. (JG/MAPA/PIA-NCR)

About the Author

Alaine Allanigue

Writer

NCR

Feedback / Comment

Get in touch