Nagtutungo ang BFP sa mga barangay at ibinabandilyo ang iba't ibang paalala upang makaiwas sa sunog. (BFP Mimaropa Sta Cruz)
Patuloy ang isinasagawang Oplan Ligtas na Pamayanan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa bayan ng Sta Cruz na may layong turuan at paalalahanan ang publiko ng mga fire safety tips.
Sinabi ni Fire Officer Jarvey Tagumpay na habang sakay sa firetruck, nagtutungo sila sa mga barangay at ibinabandilyo ang iba't ibang paalala upang makaiwas sa sunog.
Ilan sa mga tips na ito, ayon kay Tagumpay, ay ang hindi pag-iwan na nakasalang sa kalan ng anumang niluluto; huwag matulog na may sindi pa ang kandila; at laging tanggalin sa outlet o saksakan ang mga electric appliances kung hindi naman gamit, lalo na kung aalis ng tahanan. Aniya hindi rin dapat nagsusunog ng mga tuyong dahon sa bakuran dahil isa rin ito sa pwedeng pagmulan ng sunog lalo ngayong may kalakasan ang hangin at tuyo na ang mga damo.
Magpapatuloy aniya ang kanilang pagbabandilyo sa 11 Barangay ng Sta Cruz, dahil nakikita nilang isa itong epektibong paraan upang maging ligtas sa sunog ang kanilang komunidad.
Samantala, ipinababatid ng BFP Sta Cruz sa mga mamamayan ng munisipalidad, na ang pagbabantay at pag-iingat upang hindi magkasunog ay obligasyon ng lahat. At sakali mang mangyari ito, ayon kay Tagumpay, dapat agad ipagbigay alam sa kanilang tanggapan upang mabilis maaksyunan. (VND/PIA MIMAROPA)