Kritikal ang papel ng Kasimbayanan, isang multi-sectoral campaign na pinasimulan ng Pambansang Pulisya, upang maisakatuparan ang Safe, Accurate, Free/Fair Elections (SAFE) 2022, ayon sa Provincial Police Office (PPO).
Sa panayam kay Philippine National Police (PNP) Provincial Director PCol Simeon Gane Jr, ipinahayag nito na mahalagang sa National and Local Elections sa Mayo 9 ay dama ng mga botante na tunay silang ligtas at malaya sa pagboto, hindi pinilit o kaya ay inimpluwensyahan ng sinumang kandidato o partido.
Ayon kay Col Gane, sa pamamagitan ng Kasimbayanan o ‘Kapulungan ng inyong Pulis, ng inyong Sundalo, ng inyong Bantay-Dagat, ng ating Comelec, at lahat ng Lingkod Bayan kasama ang Simbahan at Pamayanan,’ mas matibay ang pagtutulungan ng lahat para sa halalan na malaya sa karahasan at katiwalian.
Higit din aniyang mapapalakas ng PNP ang kanilang mga operasyon gaya ng election gun ban, at paglilinis sa mga komunidad mula sa loose firearms na maaaring magamit sa kriminalidad at karahasan kaugnay ng nalalapit na eleksyon.
Siniguro pa ng opisyal na mananatiling non-partisan ang kapulisan habang ginagampanan ang tungkulin na maidaos ang malinis at mapayapang halalan. Lagi aniyang prayoridad ng kanilang hanay na tulungan ang taumbayan na mailuklok ang mga pinuno na magtataguyod sa interes ng publiko.
Samantala, kaalinsabay ng paglulunsad ng Kasimbayanan, pinangunahan din ng PNP, kasama ang Commission on Election (Comelec), Armed Forces of the Philippines (AFP), religious sector at iba pang ahensya ng pamahalaan ang Peace Covenant Signing at Unity Walk na ginanap sa PPO-Camp Ebersole, San Jose.
Ang naturang aktibidad ay dinaluhan ng mga kandidato para sa iba’t ibang lokal na posisyon kung saan nagpahayag ang mga ito ng pakikiisa sa hangarin na sama-samang itaguyod ang ligtas, malinis, malaya at tapat na halalan sa Mayo 2022. (VND/PIA MIMAROPA)