Higit na pagkaunawa ng mga katutubong Iraya sa usaping insurhensya ang pangunahing layunin ng pagbisita sa kanilang komunidad sa bayan ng Paluan kamakailan ng 76th Infantry Battalion (IB), Philippine Army.
Ang resulta nito, tuluyan nang tinalikdan ng mga Iraya ang Communist Terrorist Group (CTG) at malugod na tinanggap ang mga dalang tulong at serbisyo ng tropa ng pamahalaan.
Ayon kay 1st Lt Vian Leslie Diaz, CMO 76th IB, patuloy aniya ang pagbisita ng militar sa malalayong barangay upang ihatid at ipaliwanag ang mga programa ng pamahalaan na makatutulong sa pag-angat ng kanilang kabuhayan.
“Kasabay nito ang pagsisiwalat sa panlilinlang ng mga CTG na tinatakot ang ating mga katutubo upang makapangikil ng pagkain o kaya’y isama ang mga ito at gamitin sa kanilang maling pakikibaka,” ani Diaz.
Binanggit din ng opisyal ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP), na hatid ay iba’t ibang interbensyon at benepisyo na magagamit ng mga nagbabalik-loob sa pagbabagong buhay. Aniya, magandang ipaliwanag ito sa identified barangays o mga pamayanang pinupuntahan ng mga CTG upang i-recruit. Batay sa ECLIP website, P65,000 na immediate at livelihood assistance ang agad na tatanggapin ng former rebel (FR) kasunod ang marami pang uri ng tulong at suporta.
Ayon naman kay 2nd Lt Clarisa Bendo (INF) PA, sa pagdalaw ng tropa ng pamahalaan sa pamayanan ng Iraya ay higit na naipaliwanag sa mga katutubo kung ano nga ba ang insurhensiya, sa tulong ng dala nilang mga babasahin na ‘Kamatayan’ at ‘Pagkakulong o Pagsuko’. Pinagsalita din ang isang dating kasapi ng CTG na nagsalaysay ng kanyang mga karanasan bilang bahagi ng teroristang grupo.
Nagkaroon din ng diyalogo sa pagitan ng mga pinuno ng Iraya at kinatawan ng pamahalaan; bukod sa programang pangkabuhayan, idinulog ng mga katutubo ang suliranin sa kanilang Lupaing Ninuno na anila’y inaangkin ng mga Tagalog.
“Itong mga problemang ito at mga pangangailangan ng ating mga katutubo ay dadalhin natin sa mga kinauukulang ahensya,” saad naman ni Bendo bilang tugon ng panig ng gobyerno.
Sa huli, bilang pakikiisa sa layon ng pamahalaang wakasan ang insurhensiya, sinabi ng mga katutubong Iraya na itinatakwil na nila ang CTG.
Kasama ng 76th IB ang Hosea Christian Mission Church International sa pagsasakatuparan ng nabanggit na gawain. (VND/PIA MIMAROPA)