No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

'Oplan Taob' epektibong programa ng DOH kontra Dengue -- OccMdo PHO

'Oplan Taob' epektibong programa ng DOH kontra Dengue -- OccMdo PHO

Kabilang sa Oplan Taob na isinagawa sa Brgy Udalo, Abra de Ilog ang paglilinis ng mga basura na maaring pamahayaan ng lamok. (PIO Abra de Ilog)

Epektibo laban sa Dengue ang Oplan Taob ng Department of Health, ayon sa Provincial Health Office (PHO).

Ang Oplan Taob ay kabilang sa '4S Strategy', isang malawakang kampanya ng Department of Health upang maiwasan ang paglaganap ng nakamamatay na sakit na Dengue. Bahagi ito ng Search and destroy, ang unang S sa 4S, at humihimok  sa lahat na ugaliing itaob ang alinmang bagay na pwedeng pamahayan ng mga itlog ng lamok tulad ng gulong, bao, bote, paso, at iba pa. Kasama din sa Oplan Taob ang paglilinis ng mga estero.

Ang tatlo pang 'S' ay self-protection measures, seek early consultation, at support, na maaaring gawin sa pamamagitan ng fogging and spraying.

Ayon kay Lailani Shiela Abeleda, Dengue Focal Person ng PHO, tatlong bayan sa probinsya ang kinakitaan ng clustering of cases ng Dengue. Ang San Jose ay nakapagtala ng anim na kaso: tatlo sa Brgy Labangan at tatlo rin sa San Roque. Walong katao  naman ang nagka-dengue sa Sablayan: lima ay na-detect sa Brgy Batong Buhay at ang iba pa ay sa Brgy San Francisco. Nakapagtala naman ng pitong kaso ang Mamburao: apat sa Bgy. Fatima at tatlo sa Payompon. Ani Abeleda, mahigpit na minomonitor ng kani-kanilang barangay at munisipyo ang naturang dengue cases.

Paalala ni Abeleda, mahalaga ang paglilinis sa bahay at bakuran dahil kahit magsagawa ng fogging o misting operation ang barangay, hangga’t may breeding place ang mga lamok, hindi mawawala ang mga insektong nagdadala ng dengue. Aniya, gawin lamang ang Oplan Taob at ang buong 4S strategy upang malabanan ang posibleng pagkakaroon at paglaganap ng Dengue sa isang lugar.

Samantala, isa ang Brgy Udalo, Abra de Ilog sa nagsagawa kamakailan ng Oplan Taob na dinaluhan ng mga barangay official at health worker, gayundin ng mga guro ng ALS at kasapi ng 4Ps.

Ang Hunyo ay Dengue Awareness Month. (VND/PIA MIMAROPA)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch