Strategic Environmental Plan for Palawan Act, 30 taon na

Tatlumpung-taon na ang natatanging batas na ang lalawigan ng Palawan lamang ang mayroon nito sa buong bansa.
Ito ay ang Republic Act 7611 o ang 'Strategic Environmental Plan for Palawan Act' na naisabatas noong Hunyo,1992. Pangunahing hangarin nito ay ang mapangalagaan at mapanatili ang mayamang kalikasan ng tinaguriang ‘The Last Frontier’ kasabay ng mga pagbabago at pag-unlad ng lalawigan.
Sa temang ‘SEP@30: Driving Three Decades of Sustainable Development’ ay ipinagdiriwang ng Lalawigan ng Palawan sa pangunguna ng Palawan Council for Sustainable and Development (PCSD) simula ngayong Hunyo 13 hanggang sa Hunyo 19, 2022 ang ika-30 taong anibersaryo ng nasabing batas.
Sa pagdiriwang nito, ang Fundamental Strategy Division ng SEP na ECAN Education and Extension Division (EEED) katuwang ang iba pang mga division nito ay nagsasagawa ng iba’t-ibang aktibidad na naglalayong paunlarin pa at isulong ang mga makabagong pamamaraan tungo sa patuloy na pangangalaga sa kalikasan ng lalawigan.
Ilan sa mga aktibidad na inihanda ng PCSD ay ang launching ng SEP coffee table book, video presentation ng SEP patungkol sa kahalagahan nito at legasiya sa mga Palaweño, tree planting sa iba’t-ibang munisipyo sa lalawigan at exhibit sa isang mall sa Lungsod ng Puerto Princesa kung saan tampok ang SEP timeline.
Magiging bahagi naman ng exhibit ang print campaign na “Wild for Life” upang mapalakas ang kampanya laban sa iligal na pangangalakal ng mga buhay ilang gayundin ang pagsusulong ng wildlife management actions and enforcement.
Magkakaroon din ng mga aktibidad para sa kabataan, sektor ng edukasyon at pagsasalaysay ng mga matagumpay na kuwento patungkol sa pangangalaga ng flagship species ng iba’t-ibang munisipyo.
Samantala, inimbitahan din ang mga local artist na lumahok sa isinagawang Song and Writing Contest ng PCSD upang magbigay kasiyahan sa aktibidad at maging bahagi sa pagsusulong ng pangangalaga at proteksyon sa kalikasan.
Gagawaran naman ng parangal at pagkilala ang mga kawani ng PCSD na nagpamalas ng tapat na serbisyo at nagbahagi ng malaking kontribusyon sa pagsusulong ng mga adhikain at layunin ng organisasyon.
Kaugnay pa rin ng anibersaryo ng SEP ay isasagawa naman ng Provincial Environment and Natural Resources Office (Provincial ENRO) ang 28th Pista ng Kalikasan sa Sitio Karampuro, barangay Tabon sa bayan ng Quezon sa Hunyo 20.
Inaasahang makakapagtanim dito ng 10,000 seedlings ng bakawan o mangroves propagules. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)