No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Float Parade, tampok sa Baragatan sa Palawan grand opening

Float Parade, tampok sa Baragatan sa Palawan grand opening

Ipinapakita ng bayan ng Roxas sa kanilang float ang kanilang pangangalaga ng nanganganib nang maubos na Pangolin o Balintong. Maging ang pangunahing produktong kasuy ng Roxas ay tampok din dito. (larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Tampok sa grand opening ng Baragatan sa Palawan Festival 2022 ang float parade competition noong Hunyo 17, 2022.

Ang kompetisyon ay may tatlong kategorya: ang LGU Mainland, LGU Island, at Open Category at nagsimula ito sa Philippine Ports Authority-Puerto Princesa City, dumaan sa pangunahing kalsada ng lungsod, ang Rizal Avenue at tuloy-tuloy ito sa bagong Convention Center na nasa Capitol Complex.

Makikita sa mga obrang karo ang paggamit ng mga indigenous at biodegradable na materyales, na naging isa sa mga criteria para sa pagtukoy ng mga magwawaging kalahok.

Ipinakita din dito ang mga ipinagmamalaking produkto ng bawat munisipyo at nakalagay sa harapan ng bawat float ang official seal ng mga ito habang mga produkto at serbisyo naman para sa Open Category.


Isa rin sa requirement sa paggawa ng float ay ang taas nito na hindi lalagpas sa 12 ft o 3.5 metro at ang haba ay hanggang 10 metro lamang habang ang lapad ay hanggang tatlong metro ng anumang four-wheel vehicle upang hindi ito sumabit sa mga kawad ng kuryente at maging maalwan ang pagparada ng mga ito.

Ang itatanghal na kampeon para sa Mainland Category ay tatanggap ng tropeyo at P400,000.00 habang P300,000.00 naman at tropeyo para sa ikalawang puwesto at ang ikatlong puwesto ay pagkakalooban ng tropeyo at P200,000.00.

Para naman sa Island Category, ang mananalong Island Municipality ay tatanggap ng tropeyo at P500,000.00; P400,000.00 at tropeyo para sa ikalawang puwesto at P300,000.00 at tropeyo para sa ikatlong puwesto.

Ang mananalo naman sa Open Category ay tatanggap ng P150,000.00 habang P100,000.00 sa ikalawang puwesto at P75,000.00 para sa ikatlong puwesto.

Ang final score ng bawat kalahok ay nakabase sa mga sumusunod na criteria: Symbolism, Creativity, Artistry 30%; Ethnic Design 30%; Quality of materials used and workmanship 35%; at Punctuality 5%.

Iaanunsiyo naman ang mga magwawagi sa float parade competition sa araw ng anibersaryo ng Gobyerno Sibil ng Palawan sa Hunyo 23, 2022.

Ilan pa sa mga naging akbibidad sa grand opening ng Baragatan ay ang pagpapasinaya ng bagong Convention Center na ipinatayo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan na matatagpuan sa Capitol Complex.

Pinangunahan nila Gov. Jose Ch. Alvarez at Vice Gov. Victorino Dennis M. Socrates ang pagpapasinaya ng bagong gusali. Sinundan ito ng Misa ng Pasasalamat at Ulat sa Bayan ni Gov. Alvarez.

Isinagawa naman ang Parada ng Palawenyo na kinapapalooban ng Float Parade Competition at Paantiguan sa Dalan na dinaluhan ng mga local officials ng bawat munisipyo sa Palawan. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)


Ilan pa sa mga naging akbibidad sa grand opening ng Baragatan ay ang pagpapasinaya ng bagong Convention Center na ipinatayo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan na matatagpuan sa Capitol Complex. Pinangunahan nila Gov. Jose Ch. Alvarez at Vice Gov. Victorino Dennis M. Socrates ang pagpapasinaya ng bagong gusali. (Larawan mula kay Vice Gov. Socrates)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch