No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Sewing machine, iba pang ayuda sa kababaihan, ipagkakaloob ngayong Marso

Sewing machine, iba pang ayuda sa kababaihan, ipagkakaloob ngayong Marso

Tampok sa orientation seminar ng mga babaeng kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ang pagtalakay sa Gender sensitivity, Women’s Rights at iba pang paksa na nagtataguyod sa women empowerment. (PIO)

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Women’s Month, sinimulan na kamakailang ipamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan (LGU) ang mga sewing machine para sa mga matutukoy na benepisyaryong samahan ng kababaihan.

Ayon kay Michael Caponpon, Focal Person on Women ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), ang mga makinang panahi ay bahagi lamang ng maraming tulong na laan ng LGU sa kababaihan. “Kada linggo, magbibigay ang probinsya sa iba’t ibang women organizations ng makinang panahi, financial at livelihood assistance,” saad ni Caponpon. At ang mga ayudang ito, aniya, ay napapanahong ipagkaloob dahil na rin sa epekto ng pandemya. 

Subalit hindi lang sa pamamahagi ng ayuda nakatuon ang PSWDO, magsasagawa din ito ng orientation seminar para sa mga babaeng kawani ng lokal na pamahalaan.

Tatalakayin sa nasabing seminar ang Gender sensitivity, Women’s Rights at iba pang paksa na nagtataguyod sa women empowerment.

“Mahalagang malaman at ipaalala sa ating kababaihan ang kanilang mga karapatan, upang hindi sila maging biktima ng mga pang-aabuso at mga hadlang sa kanilang pag-unlad,” ani Caponpon. Kabilang aniya sa mga karapatang ito ay ang karapatang mabuhay ng malaya sa karahasan, magkaroon ng ari-arian, tumanggap ng tama at kapantay na sahod ng kalalakihan at karapatan sa edukasyon.

Ayon pa rin kay Caponpon, ang nasabing aktibidad ay idaraos sa Kapitolyo, gayundin sa mga sub-office nito sa mga bayan ng San Jose at Sablayan.

Kaugnay nito, binigyang-diin ni Caponpon na bagamat ang Marso bilang buwan ng kababaihan ay puno ng iba’t ibang aktibidad, ang mga ayuda sa sektor na ito ay hindi lamang naman ngayon bagkus sa buong taon. Tiniyak nito na hangad ng mga pinuno ng Lalawigan na tuloy-tuloy na magsagawa ng mga proyekto na nangangalaga at nagbibigay-halaga sa mga kababaihan.

Ang tema ngayong taon para sa pagdiriwang ng National Women’s Month ay Agenda ng Kababaihan, Tungo sa Kaunlaran. (VND/PIA MIMAROPA)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch