No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mga maaaring asahan sa pinalawak na Solo Parent Welfare Act

(Kuha mula sa www.unsplash.com)


Kung isa ka sa higit 15 milyong solo parents sa Pilipinas, magandang balita ang hatid sayo ng naisabatas na Republic Act No. 11861, o ang Expanded Solo Parent Welfare Act.

Ito ay nilikha upang amyendahin ang ilang probisyon ng R.A. 8972, o mas kilala bilang Solo Parent Welfare Act of 2000, na naglalayong bigyan ng karagdagang benepisyo at pribilehiyo ang mga solo parents sa bansa.

Ano nga ba ang maaaring asahan ng mga solo parent mula sa pinalawak na batas?


  • Pinalawig na kahulugan ng “solo parents”  

Base sa bagong batas, pinalawig nito ang depinisyon ng “solo parent”, kung saan kasama na rito ang asawa, sinumang kamag-anak, o legal guardian ng anak ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) na nasa low o semi-skilled worker category.

Kasama rin dito ang mga lolo at lola, sinumang miyembro ng pamilya o legal guardian, na tanging nangangalaga sa bata.



  • Parental Leave Benefit

Ang mga solo parent ay magkakaroon ng seven (7) days parental leave with pay, anuman ang katayuan sa trabaho.

(Kuha mula sa www.pexels.com)
  • Educational Benefits

Para naman sa edukasyon, ang solo parents ay may karapatan sa scholarship program, at full scholarship naman sa isang (1) anak ng solo parent sa mga institusyon ng basic, tertiary, technical at skills education, sa kondisyon na ang bata ay 22 taong gulang o pababa.


  • Financial Assistance

Bukod sa mga benepisyong pang-edukasyon, makakakuha rin ng P1,000 buwanang subsidiya ang mga solo parent na kumikita ng minimum wage o mas mababa pa.

(Kuha mula sa www.pexels.com)
  • Discount

Dagdag pa rito, makakatulong din sa mga solo parent ang 10 porsiyentong diskwento at VAT-exempt sa mga pambatangang pagkain, gatas, micronutrient supplements, medicines, vaccines, at diapers, simula panganak hanggang anim (6) na taong gulang.


  • Insurance

Isa sa mga bagong probisyon na naidagdag sa batas ang insurance. Ang solo parents at ang kanilang anak ay ginawang awtomatikong miyembro ng National Health Insurance Program (NHIP), na pinapangasiwaan ng PhilHealth.

Kuha ng PIA-NCR
  • Karagdagang probisyon

Bukod sa mga pribilehiyong inilatag, maaaring asahan ng mga solo parent ang pagtatayo ng Solo Parents Office sa bawat probinsya, siyudad at munisipalidad. Ang pagtatatag ng child minding centers at safe breastfeeding spaces ay maaaring din asahan.

Ayon sa R.A. 11861, ang child minding center ay isang pasilidad o lugar, malapit o nasa loob ng trabaho ng solo parent, kung saan babantayan at aalagaan ng isang certified caregiver, ang kanilang anak na hindi bababa sa pitong (7) taong gulang.

Dagdag pa rito, upang ipagdiriwang ang importansya ng bawat solo parents sa bansa, idineklara ng batas ang pangatlong Sabado ng Abril kada taon, bilang National Solo Parents Day.

Upang mapakinabangan ang mga benepisyo sa ilalim ng Expanded Solo Parent Welfare Act, kailangan magpakita ng Solo Parent Identification Card, kasam ang Solo Parent Booklet. (PIA-NCR)

About the Author

Jumalynne Doctolero

Information Officer

NCR

Feedback / Comment

Get in touch