No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mga magsasaka ng Rizal, pinagkalooban ng vermicomposting equipment ng DA-SAAD

Mga magsasaka ng Rizal, pinagkalooban ng vermicomposting equipment ng DA-SAAD

Sumasailalim sa pagsasanay sa vermicomposting ang ilang benepisyaryong magsasaka ng Rizal

Pinagkalooban kamakailan ng Department of Agriculture-Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) ng vermicomposting equipment ang dalawa sa mga benepisyaryong samahan nito mula bayan ng Rizal.

Kapwa tumanggap ng multi-purpose shredder, vermicomposting brewer, at timbangan, na may kabuuang halaga na higit P1 milyon, ang Malawaan 4th Intake Farmers Irrigators Association Inc. ng Brgy Malawaan at Nagkakaisang Magsasaka ng Brgy Salvacion.

Sa isang artikulo ni Dianne Francis Gorembalem ng SAAD ay ipinaliwanag ang kahalagahan ng mga nabanggit na kagamitan sa vermicomposting o paggawa ng organikong pataba mula sa dumi at natitirang pagkain ng mga bulate. Ayon sa artikulo, ang shredder ay gugutay sa mga biodegradable materials tulad ng dahon, katawan ng puno ng saging, at iba pa. Mahalagang mas maliliit ang mga biodegradable materials upang mapabilis ang composting process. Lilikumin naman ng brewer ang likido na resulta ng proseso at siyang magsisilbing organic foliar fertilizer.

Isa si Jehu Michael Barrientos, Municipal Agriculturist Officer (MAO) ng Rizal, sa matagal nang nagsusulong ng Organikong Pagsasaka sa lalawigan at aniya, may malaking demand ang vermicast - tawag sa pataba mula sa proseso ng vermicomposting. Bukod sa may mga tiyak na consumers ang nabanggit na organikong pataba, maari din itong gamitin ng mga benepisyaryo sa kanilang mismong sinasakang lupa.

Sa programa sa isang lokal na himpilan ng radyo kamakailan, sinabi ni Barrientos na maganda ang epekto ng organikong pataba sa lupa dahil ito ang gamit niya sa kanyang mga tanim na palay at gulay. Aniya, kaya din itong gawin ng mga magsasaka basta’t may tiyaga sa pag-prodyus ng organic fertilizer.

Ang dalawang benepisyaryong samahan ay una nang sumailalim sa mga kinakailangang pagsasanay at nakapaghanda na ng vermicomposting beds para sa mga African nightcrawlers, ang mga bulateng nagpo -prodyus ng vermicast. (VND)


About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch