No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Bakunahang Bayan: Tugon tungo sa COVID-19 immunity

Upang palakasin pa ang proteksyon ng mga mamamayan sa Ilocos Norte laban sa COVID-19 virus, nakiisa ang Laoag City General Hospital (LCGH) sa lungsod ng Laoag sa paglulunsad ng “Bakunahang Bayan: PinasLakas Special Vaccination Days.”


Nakansela man ang unang araw ng bakunahan noong ika-26 ng Setyembre dulot ng ulang dala ng Super Typhoon Karding, hindi pa rin natinag ang Department of Health sa paglunsad sa naturang programa sa Ilocos Norte.


Nitong ika-28 ng Setyembre, pormal na inilunsad ang vaccination drive sa Ilocos Norte College of Arts and Trades (INCAT) sa lungsod ng Laoag.


Ilang mga residente sa Laoag City, handang nagpabakuna sa isinasagawang Bakunahang-Bayan: PinasLakas Vccination Campaign sa probinsya. (EJFG, PIA Ilocos Norte)
Isang ginoo mula sa Laoag City, Ilocos Norte ang tumanggap ng kanyang COVID-19 vaccine sa Laoag City General Hospital sa isinagawang PinasLakas Vaccination Campaign. (EJFG, PIA Ilocos Norte)


Pinahalagahan ni Dr. Melvin Medell Manuel ng LCGH, ang pagsuporta ng bawat mamamayan sa programang ito para mapabilis ang pagkamit sa tinatawag na immunity wall.


“Ang bentahe ng COVID-19 booster shot ay upang maging ligtas at protektado hindi lamang sa ating sarili kundi ang ating pamilya, sa ating lugar at sa buong bansa para wakasan ang pandemya,” ani Dr. Manuel.


Nakiisa rin ang Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center (MMMHMC) sa vaccination campaign na ito.


Nagpadala ng mga healthcare workers ang ospital upang magsagawa ng bakunahan sa Northwestern University, mga barangay sa lungsod ng Laoag, at sa Barangay Salbang sa bayan ng Paoay upang mas mailapit ang pagbabakuna sa mga residente.


Ang vaccine campaign na ito ay naglalayong palakasin pa ang proteksyon ng mga mamamayan laban COVID-19 sa pamamagitan ng malakasang bakunahan sa mga hindi pa naka-kumpleto ng kanilang bakuna.


Maaaring magpabakuna ang mga residente ng una at pangalawang dose at booster shot, at ikalawang booster shot para sa mga kwalipikadong mamamayan.


Bukod sa Bakunahang Bayan: PinasLakas Special Vaccination Days, ipinagmalaki rin ng LCGH ang kanilang arawang iskedyul ng pagbabakuna sa mga residente.


Hinihikayat nila ang mga hindi pa nakaka-kumpleto ng COVID-19 vaccine na bumisita lamang sa ospital at sila ay libreng makakakuha ng bakuna. (JCR/AMB/EJFG/PFG-MMSU intern, PIA Ilocos Norte)

THUMBS UP! Matapos makakuha ng kanyang COVID-19 vaccine, nag-pose ang isang residente mula Laoag City sa LCGH sa isinagwang Bakunahang-Bayan, PinasLakas Vaccination Days. (EJFG, PIA Ilocos Norte)

About the Author

Emma Joyce Guillermo

Information Officer 1

Region 1

Feedback / Comment

Get in touch