No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pasko at katangian ng Pamilyang Palawenyo, sinisimbolo ng limang Christmas Tree sa Kapitolyo

Pinangunahan nina Gov. Victorino Dennis M. Socrates (naka-pula ng polo sa kaliwa) at Bishop Socrates Mesiona (kana-itim ng polo sa kanan) ang pagpapailaw ng limang Christmas Tree sa Kapitolyo bilang bahagi ng pagbubukas ng Paskuhan sa Kapitolyo 2022. Sinanksihan din ito nina Vice Gov. Leoncio N. Ola at ilang Board Members. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Hindi lamang isa, kundi limang Christmas Tree na may iba’t-ibang sukat at disenyo na sumisimbolo sa tunay na diwa ng Pasko at sa katangian ng bawat pamilyang Palawenyo ang pinailawan sa palibot ng Kapitolyo ng Palawan sa pangunguna ni Governor Victorino Dennis M. Socrates kamakailan.

Ang pagpapailaw nito ay hudyat ng pagbubukas ng Paskuhan sa Kapitolyo 2022 na may temang 'Pasko ng Pamilyang Palawenyo sa ika-400 taon ng Kristiyanismo sa Palawan, Papuri at Pasasalamat sa Poong Maykapal'.

Una rito ay ang Tree of Faith, Hope and Love (kaliwa), matatagpuan ito sa Don Pedro Vicente Park sa harap mismo ng Kapitolyo.  Napapalamutian ito ng berdeng Christmas garlands at ng makukulay na Christmas ball, bulb lights at led rope lights. Sumisimbolo ito sa pagsilang kay Hesukristo na puno ng pag-asa at ang pananalig ay nananatiling matatag sa panahon man ng mga pagsubok dahil ang Diyos ay maawain at mapagmahal.

Ikalawa ay ang Tree of Joy (kanan), gawa ito sa kinulayan na mga tiklis, salakot, banig at sako na nilagyan din ng mga pailaw. Dahil sa kulay nito, nagpapakita ito ng saya at ligayang hatid ng pagdiriwang ng kapanganakan ni Hesukristo.

Sumisimbolo ito sa masayang pagdiriwang ng ika-400 taong Kristiyanismo sa Palawan at sa kasiyahang naidudulot nito sa tuwing sasapit ang kapaskuhan.

Ang Tree of Abundance (Kaliwa)na binuo gamit ang iba’t-ibang mga native basket at pailaw ay sumisimbolo sa kasaganaan dahil ang mga kagamitang ito ang pinaglalagyan ng mga pangunahing produkto gaya ng bigas, mais, niyog, gulay at isda. Ito ay nagpapakita rin ng talento, kakayahan at pagiging malikhain ng mga Palawenyo. Makikita ito sa bahaging kanan ng gusaling Kapitolyo.


Gawa naman sa walis ting-ting at tambo na nilagyan ng mga salakot at pailaw ang Tree of Unity (kanan-itaas). 

Pagkakaisa ng mamamayan, kapayapaan, pagkakaunawaan, at pagtutulungan ng lahat ang sinisimbolo nito gayundin ang paggalang sa pagkakaiba ng bawat isa.Tulad ng walis tingting at walis tambo na kapag pinag-isa at pinagsama-sama ay mas higit na nakapaglilinis, ganyan din ang pamilyang Palawenyo na may ispiritu ng ‘Bayanihan.’

Dahil naman sa matinding pinsala na idinulot ng bagyong Odette sa kalikasan ng Palawan noong nakalipas na taon, maraming punong kahoy ang nasira at naging driftwoods.

Ito ang pangunahing materyales na ginamit upang maitayo ang Tree of Life na nilagyan din ng ilang mga tanim at pailaw. Ipinapakita nito na pagkatapos masira ang mga punongkahoy ay muli itong sisibol at magkakaroon ng panibagong buhay at pag-asa na inihalintulad sa pananalig at katatagan ng pamilyang Palawenyo. (OCJ/PIA-MIMAROPA)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch