No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Ano ang mga maaaring sanhi ng smoke-belching sa mga sasakyan at paano ito maiiwasan?

(Mga larawan mula sa MMDA)

(Larawan mula sa MMDA)

Naranasan mo na bang makatagpo ng isang lumang trak o bulok na jeepney habang bumabiyahe ito sa lansangan? Malamang sa hindi, ito ang pagkakataon kung saan makikita mong nagbubuga ang sasakyan ng makapal na itim na usok mula sa kanyang tambutso kasabay ng pagarangkada nito. 

Ito ay tinatawag na "smoke-belching," o isang malakas na paglalabas ng usok mula sa isang sasakyan na maaaring may mekanikal na isyu sa makina na madalas ay nakikita sa mga sasakyang pinatatakbo ng diesel.

Bagama't ang mga diesel na motor ang kadalasang pangunahing sangkot sa smoke-belching, ang mga sasakyang pinatatakbo ng gasolina ay maaari ring maglabas ng makapal at maitim na usok. 

Kaugnay nito, muling nagpaalala ang Metro Manila Development Authority (MMDA) kamakailan sa publiko na suportahan ang kampanya tungo sa "Smoke-Belching Free Metro Manila."

Kasabay ito ng regular na pagsasagawa ng random roadside smoke emission test ng ahensya sa buong Kalakhang Maynila.

Ang mga sasakyan na hindi papasa sa mobile smoke testers ng MMDA ay papatawan ng multa na nagkakahalaga ng P2,000, P4,000, at P6,000 para sa una, pangalawa at pangatlong paglabag, ayon sa pagkakasunod-sunod.

Maaari ring kumpiskahin ang license plate ng sasakyan kung mapapatunayang nagkasala, ayon sa MMDA.

Ano nga ba ang mga dahilan ng smoke-belching sa mga sasakyan?

Ang pangunahing dahilan ng smoke-belching ay ang hindi pantay na konsumo ng langis at hangin sa sasakyan.

Maaari itong sanhi ng iba’t ibang depektibong parte ng makina, tulad na lamang ng air filter, fuel pressure regulator, air o fuel ratio sensor, airflow sensor, coolant sensor, at tumatagas na fuel injector.

Upang mas maintindihan, halimbawa na lamang ang  depektibong air filter. Ang baradong air filter ay magreresulta ng mababang konsumo ng hangin. Ang mababang hangin ay katumbas ng mas maraming konsumo ng langis, na nagbubunga ng hindi pantay na air to fuel ratio.

Ang sirang fuel injector, air o fuel sensor at coolant sensor naman ay pareho ring naglalabas ng labis na dami ng gasolina sa makina.

Paano maiiwasan ang smoke-belching?

  1. Ugaliing dalhin ang iyong sasakyan para sa maintenance check
  2. Magtatag ng tama at maayos na driving habits
  3. Gumamit ng mataas na kalidad at malinis na engine oil
  4. Sumailalim sa regular na smoke emission tests

Mabuting tandaan na ang pagsunod sa iskedyul ng maintenance ng iyong sasakyan, napapanahong pagpapalit ng mga bagong filter, at pagtitiyak na gumagamit ka ng tamang uri ng malinis at dekalidad na langis ay malaking maitutulong upang ang iyong sasakyan ay palagiang magiging smoke-belcher free sa bawat pagbiyahe. (PIA-NCR)

About the Author

Jumalynne Doctolero

Information Officer

NCR

Feedback / Comment

Get in touch