No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mensahe ng Goiter Awareness Week 2023, dapat isabuhay ayon sa DOH Mimaropa

Naging instrument ang ThyroMobile sa pagtukoy ng iodine content sa mga mabibiling asin sa probinsya. (PIA OccMdo)

Mahalagang isabuhay ng publiko ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ng Goiter Awareness Week (GAW) na “Leeg Kapain, Goiter Sugpuin: Isip ay Patalinuhin, Iodized Salt ay Gamitin”, ayon kay Dr. Sahlee Montevirgen-Sajo ng Department of Health Mimaropa.

Sa ginanap kamakailan na Kapihan sa PIA, sinabi ni Dr. Sajo na bagamat maliit lamang ang thyroid gland, hindi ito dapat balewalain, at sa halip ay ingatan sa pamamagitan ng pagtiyak sa sapat na iodine at regular na pagkapa sa leeg upang malaman kung may goiter.

Kailangan ng katawan ang iodine upang makagawa ng thyroid hormones na siyang kumokontrol sa metabolismo at iba pang mahalagang bodily functions. ”May kaugnayan din ang iodine sa growth at development ng utak ng tao. “Ang malaking kakulangan ng iodine sa katawan, bukod sa bosyo, ay maaring magresulta sa intellectual disability o mental retardation,” ayon kay Sajo.

Ipinaliwanag din ng opisyal na ang isang may bosyo o goiter ay maaring nakakaranas ng pagbara sa kanyang lalamunan, pagkapaos, panginginig at hindi maayos na pagtulog. “Sakaling nararamdaman ang mga sintomas at may napapansing kaiba sa kanilang leeg ay maaring bumisita sa pagamutan at ipakapa ito sa doktor,” ani Sajo.

Sinabi rin ni Sajo na sakaling positibo sa goiter ang pasyente, may iba’t ibang pamamaraan naman kung paano ito gagamutin. Maari aniyang uminom ng gamot,  magpa-opera, at iba pa. Makakatulong na maiwasan ang goiter kung tama ang nakukuhang dami ng iodine sa pangangailangan ng ating katawan. “Source ng iodine ang seafoods, dairy products at iodized salt,” ayon pa kay Sajo.

Kaugnay nito, mababasa naman sa isang lathalain na inilabas ng National Nutrition Council (NNC) Mimaropa na maaring kakitaan ng bukol o paglaki ng isang bahagi ng leeg ang taong may goiter o bosyo. Maari anila itong dulot ng paglaki ng thyroid gland o kaya naman ay ang pagkakaroon ng cell proliferation na nagreresulta sa mga nodules sa bahagi ng leeg.

Samantala,iba’t ibang aktibidad ang isinagawa sa lalawigan kaugnay ng pagdiriwang ng GAW. Kabilang dito ang forum kung saan tinalakay ang goiter at thyroid dysfunction na dinaluhan ng mga doctor at iba pang nasa health sector; operasyon sa ilang goiter patients, pagsuri sa iodine content ng mga asin na ibinebenta sa probinsya, at ugnayan sa mga salt producer.

Ipinagdiriwang ang Goiter Awareness Week tuwing ikaapat na linggo ng Enero, sa bisa ng Presidential Proclamation 1188 na nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong 2006. (VND/PIA MIMAROPA)



About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch