No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

SIM Registration Act: Proteksyon Kontra Scam, ayon sa NTC

Sa pamamagitan ng Sim Registration Act, magiging madali para sa gobyerno na tuluyang pigilan ang call at text scams. (DICT 4B OccMdo)

Mainam na panlaban sa mga scammer o manloloko ang RA 11934 o Subscriber Identification Module (SIM) Registration Act, ayon sa National Telecommunications Commission (NTC) Mimaropa.

Sa panayam kay Engr. Charmaine Ganzon, sinabi nitong laganap ang mga panloloko gamit ang mobile phone, kabilang na ang spamming at call and text scams kung saan iba’t ibang modus ang ginagamit ng mga salarin upang makapambiktima.

Ang spamming, ayon sa online Merriam-Webster Dictionary, ay ang pagpapadala ng bultuhang mensahe sa maramihang numero para sa commercial o advertising na posibleng magdala ng virus at security risks.

Sa ilalim ng RA 11934, lahat ng gumaganang sim cards sa bansa ay magkakaroon ng personalidad o pagkakakilanlan batay sa mga datos na isusumite ng mga may-ari ng sim card sa kanilang pagrerehistro. Sinabi ni Ganzon na may mga pamamaraan ang mga telecommunication firm na Smart, Globe at DITO upang tulungan sa pagrerehistro ang kani-kanilang subscribers.

Sa social media post ng Department of Information Communication and Technology (DICT) Mimaropa ay nakasaad ang mga sumusunod na links na magagamit ng mga subscribers sa kanilang pagrerehistro:

SMART: smart.com.ph/simreg,

Globe: https://new.globe.com.ph/simreg,

DITO: dito.ph/RegisterDITO                             

Inamin naman ni Ganzon na hindi magiging madali para sa gobyerno na tuluyang pigilan ang call at text scams, subalit malaking hakbang ang pagpapatupad ng batas upang malimitahan ang pamamaraan ng mga scammer na makapanloko. “Pinakamadali kasing paraan ng panloloko ay sa pamamagitan ng text at matapos nilang makapang-biktima magpapalit lang sila ng sim,” ani Ganzon. Sa pamamagitan aniya ng Sim Registration Act, may paraan na ang law enforcers na matukoy ang mga gumagawa ng panloloko .

Nakasaad din sa nasabing batas na binibigyan ng 180 araw ang mga subscriber, o hanggang April 26, 2023 ayon sa NTC, upang maipatala ang kanilang mga sim card. Made-deactivate o hindi na magagamit ang mga sim card na hindi nakarehistro sa itinakdang panahon. (VND/PIA MIMAROPA)



Larawan sa itaas ay mula sa DICT 4B Occidental Mindoro

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch