No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Coconut hybridization, sinimulan na ng PCA-Palawan

Bilang tugon sa hangarin na maparami ang mataas na uri ng pananim na niyog sa buong lalawigan ay nagsimula na ang Philippine Coconut Authority (PCA)-Palawan sa kanilang pagsasagawa ng coconut hybridization nitong Pebrero 6, 2023.

Ang nasabing proyekto ay nakapaloob sa tinatawag na On-Farm Coconut Hybridization Project ng PCA sa ilalim ng Coconut Farmers Industry Development Plan (CFIDP). Isa lamang ito sa mga component ng CFIDP sa ngalan ng RA 11524 na nilagdaan ng dating Pangulo Rodrigo Duterte nakaraan Pebrero 26, 2021.

Ang coconut hybridization sa Palawan ay pinangunahan ng mga Coconut Hybridization Crew na sina Bernald Llacuna (Farm Supervisor), Benjamin Quijada (Emasculator) at Michael Ponteras (Pollinator). Ang mga ito ang pinagsanay ng PCA sa Lalawigan ng Quezon noong nakaraan Disyembre 2022 upang maging handa sa kanilang gagampanang trabaho.

Ang tatlong Coconut Hybridization Crew na sina Bernald Llacuna (Farm Supervisor), Benjamin Quijada (Emasculator) at Michael Ponteras (Pollinator) ng PCA-Palawan na nangunguna sa isinasagawang coconut hubridization program sa Palawan. (Larawan sa ibaba at sa itaas ay mula sa PCA-Palawan)

Simula nitong Pebrero 6, isinagawa na ng mga ito ang unang hakbang sa hybridization. Ito ay ang pagkakapon (emasculation) ng Catigan Dwarf bilang mother palms.

Ang emasculation o ang pagtatangal ng mga lalaking bulaklak (male flowers) sa malapit ng bumuka na ‘spathe’ ng niyog ay isinasagawa upang masiguro na hindi magkaroon ng tinatawag na self-pollination. Ito ay patuloy na gagawin hanggang ang lahat ng mga puno ay sumailalim sa nasabing proseso.

Ito rin ay regular na babantayan at gagawin ng mga coconut hybridization crew upang masiguro ang 100 porsyento na produksiyon ng coconut hybrids. Ito ay gagamitan ng pollens mula sa lahi ng Tagnanan Tall Variety na ipapa-asawa sa babaeng bulaklak ng Catigan Dwarf. Ang nasabing Pollens ay galing pa sa Zamboanga Research Center (ZRC) sa Zamboanga City.

Samantala, ang Catigan Dwarf variety naman ay isa sa uri ng niyog na maraming mamunga o prolific na klaseng puno ng niyog. Ito ay angkop na angkop para sa coconut hybridization.

Ang On-Farm Coconut Hybridization Project ng PCA ay isinasagawa sa niyugan na pag-aari ni Edwin Aralar na matatagpuan sa Sitio Mate, Bgy. Pangobilian, Brooke's Point, Palawan.

Ito ay sumailalim sa isang kasunduan sa PCA para sa mass production of coconut hybrids sa bayan ng Brookes Point at Lalawigan ng Palawan.

Inaasahan ng PCA-Palawan na ito ang panahon para sa mga magsasaka ng niyog sa lalawigan upang mapaganda ang kalidad at mapataas ng maayos ang produksiyon ng niyog sa kanayunan. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch