Sa paliwanag ni Gob. Socrates, kinakailangan na talagang palitan, ang kasalukuyang selyo dahil ang central image na nakalagay dito ay ang underground river, at ang tandikan na hindi na bahagi ng lalawigan ng Palawan mula ng ito ay maging Highly Urbanized City (HUC) na at ito ang unang-unang konsiderasyon sa pagpapalit ng seyo.
Pangalawa, aniya ay ang napapanahon na pag-obserba ng 400 Taon ng Kristiyanismo sa Palawan. Ang St. Augustine Church sa Cuyo na dating Kota at iba pang Kota na matatagpuan sa mga munisipyo sa bahaging norte ng lalawigan ang nagsi-simbolo ng kristiyanismo at ang Manunggul Jar naman ang sumisimbolo sa Indigenous Religions.
“It’s very simple, halos isla lamang ng Palawan, sa itaas na bahagi ang Kota at sa ibaba naman ang Manunggul Jar, it connects the north and south of the Province, Ito ay may istorya at naglalahad ng ating pagka-Palawenyo, nagpapakita ito ng ating kasaysayan, ng ating kultura,” pahayag pa ni Gov. Socrates.
Sa ilalim naman ng selyo ay may nakalagay na 1902 kung saan nagsimula ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan.
Ayon kay Chief-of-Staff Magbanua, kasama rin sa selyo ang Munisipyo ng Cagayancillo dahil sa Tubbataha Reefs Natural Park na isa sa UNESCO Heritage Site at ang Kalayan Island Group (KIG) sa West Philippine Sea (WPS) na sagop ng lalawigan at kasama sa pinag-aagawang mga isla ng iba pang mga bansa.
Sumulat na rin aniya sila sa National Historical Commission of the Philippines at sa Department of Interior and Local Government (DILG) upang ipaalam ang pagpapalit ng selyo ng pamahalaang panlalawigan
Sinabi naman ni PIO Atty. Cojamco na tnalagga napapanahon na ang pagpapalit ng selyo dahil sa pagkakatatag ng Puerto Princesa bilang Highly Urbanized City.
“Itong pagpapalit ng ating selyo ay isa rin sa ating paraan upang kilalanin ang klasipikasyon ng Lungsod ng Puerto Princesa bilang isang HUC. At isa rin ito sa pagpapakita ng ating respeto sa lungsod bilang ating co-equal local government unit,” pahayag ni Atty. Cojamco. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)