No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Kadiwa ng Pangulo, daan sa pagsusulong ng mga produktong organiko sa OccMdo

Kabilang ang mga produkto ng Samahan ng Organikong Magsasaka ng Kanlurang Mindoro (SOMKAM) sa mga paninda sa Kadiwa ng Pangulo (KNP) Center sa bayan ng San Jose.

Ang Kadiwa ng Pangulo ay programa ng pamahalaan na layong pataasin ang kita ng mga magsasaka o local producers sa pamamagitan ng pag-aalis ng middleman, at paghahain sa publiko ng mga dekalidad na agricultural products sa abot-kayang presyo.

Kabilang sa mga ibinenta ng SOMKAM ay organikong dried fish, itlog, prutas, mais at iba pang gulay. “Mababa ang presyo ng aming mga produkto. Maliit lang ang mark-up na ipinatong ng mga kasapi namin bilang suporta sa programa ng ating Pangulo,” pahayag ni Malou Hartshorn, Tagapagsalita ng Organikong Pagsasaka ng Municipal Agriculture Office ng San Jose at kasapi ng SOMKAM.

Kwento ni Hartshorn, nakikita ng kanilang samahan na ang KNP ay magandang paraan upang ipaalam sa publiko ang kanilang mga organic agricultural product. “Nakatitiyak ang mga mamimili na ligtas at masustansya ang mga paninda namin, dahil ang mga ito ay walang halong kemikal,” ayon kay Hartshorn.

Sinabi pa ni Hartshorn na umaasa ang kanilang samahan na mahikayat ang iba pang mga magsasaka na yakapin na rin ang organikong pagsasaka. “Dapat hindi lang pagkita ang isipin ng ating mga magsasaka, dapat ring isaalang-alang ang kalusugan ng publiko,” dagdag ni Hartshorn.

Bukod sa magandang epekto sa kalusugan, malaki rin ang naitutulong ng organikong pagsasaka sa pag-unlad ng mga sakahing lupa sa probinsya.

Sa paliwanag ni Rizal Municipal Agriculturist Jehu Michael Barrientos, masugid na tagapagsulong ng organikong pagsasaka sa probinsya, kung patuloy ang paggamit ng kemikal ay nagiging acidic sa katagalan ang sinasakang lupa at kung hindi maagapan ay hihina ang kalidad at bababa ang pakinabang mula rito. Aniya, ang mga concoction na ginagamit sa organic farming, lalo na ang pataba ay magandang paraan upang muling yumabong ang mga lupa sa probinsya.

Inamin naman ni Hartshorn na nagsisimula pa lamang ang kanilang samahan at umaasa silang sa pamamagitan ng KNP, mahihikayat ang iba pang mga organic farmers na sumali sa kanilang grupo. Sa kasalukuyan, ang SOMKAM ay mayroon pa lamang 17 na kasapi.

Kabilang ang San Jose, Sablayan at Mamburao sa mga bayang nagtayo ng KNP centers noong Hulyo 17–19, 2023. (VND/PIA MIMAROPA - Occidental Mindoro)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch