No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

BAHABA: Basa Habang Bakasyon

Bakas sa mga mukha ng 70 bata na residente ng Barangay Mahal na Pangalan sa lungsod ng Calapan ang saya dahil sila’y napagkalooban ng libreng arts and craft workshop at basic reading enhancement program ng Pamahalaang Lungsod na pinangasiwaan ng City Public Library of Calapan na nagsimula noong Agosto 7, 2023.

Lumahok ang mga bata sa iba't ibang aktibidad tulad ng Button-Pin Making, Polymer Clay Art, Heat Shrinking Art, Fabric Heat Press at Basic Reading Enhancement at iba pang mga sining. Bukod dito ay tinuruan din ang mga bata na bumasa gamit ang mga babasahing pansanay at mga materyales na handog ng Lokal na Pamahalaan.

Kabilang ang mga batang nasa larawan na may edad 7-12 taong gulang mula sa Brgy. Mahal na Pangalan na sumailalim sa Basic Reading Enhancement Program hatid ng City Library at ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan. (Larawan kuha ng Tita Malou Flores-Morillo FB Account)

Ang nasabing programa ay inilunsad ng Pamahalaang Lungsod noong 2019 nang ipatupad ang kampanya sa ilalim ng Republic Act 7743 o 'An Act Providing for the Establishment of Congressional City and Municipality Libraries and Barangay Reading Centers throughout the Philippines.'

Ang programa ay gaganapin sa loob ng tatlong araw na sinumulan noong Agosto 7 sa pamamagitan ng kick-off ceremony na isinagawa sa covered court ng naturang barangay na pinangunahan ni City Librarian Claire Benter, katuwang ang Sangguniang Barangay, at marami pang iba.

Samantala, layunin ng nasabing programa ang makapagbigay kaalaman, kasanayan at pagpapaunlad sa pagbabasa ng mga batang may edad 7-12 taong gulang habang sila ay bakasyon. (DN/PIA MIMAROPA - Oriental Mindoro)

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch