No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: 5K mangrove propagules, naitanim sa Pista ng Kalikasan sa Palawan

5K mangrove propagules, naitanim sa Pista ng Kalikasan sa Palawan

Ang ika-27 Pista ng Kalikasan na isinagawa sa Sitio Balintang, Bgy. Isugod, Quezon, Palawan noong Hunyo 25, 2021. (Larawan mula sa PGP-ENRO)

PUERTO PRINCESA, Palawan, (PIA) -- Umabot sa 5,000 propagules o punla ng punong bakawan ang naitanim sa ginanap na ika-27 Pista ng Kalikasan sa Palawan nito lamang araw ng Biyernes, Hunyo 25.

Ang mangrove tree planting na ito ay ipinatutupad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa ilalim ng Provincial Environment and Natural Resources Office sa pangunguna ni Provincial ENRO Atty. Noel Aquino batay sa Provincial Ordinance No. 1296-13 o ang ‘Environmental Code of Palawan.’

Nagsimula ito noon pang 1994 sa pakikipagtulungan ng mga Lokal na Pamahalaang Bayan sa Palawan at iba pang katuwang na mga ahensiya, Non-Government Organization (NGOs) at mga Civil Society Organization (CSOs).

Pangunahing pinagtutuunan ng programang ito ang mapangalagaan at patuloy na maparami ang mga bakawan sa lalawigan dahil malaki ang naitutulong nito sa kalikasan at kaligtasan ng komunidad. Napo-protektahan nito ang mga baybayin at dalampasigan sa banta ng pagguho ng lupa, maging ang komunidad ay mapo-protektahan nito sa storm surge at malalakas na ihip ng hangin.

Ngayong taon, ang Pista ng Kalikasan ay isinagawa sa nasa dalawang ektaryang baybayin sa Sitio Balintang, Bgy. Isugod, Quezon, Palawan katuwang ang Municipal Government ng Quezon, pamunuan ng Brgy. Isugod at Berong Nickel Corporation.

Ayon kay Provincial ENRO Atty. Noel Aquino, dulot ng nararasanang pandemya ng COVID-19 ay limitado lamang ang mga pinayagang lumahok sa nasabing aktibidad kung saan binubuo ito ng mga Barangay volunteer at Local BFARMC.

"Gusto nating tuloy-tuloy na paramihin ang bakawan. Sa Pilipinas kasi, Palawan pa rin ang may pinakamaraming bakawan. Tayo, sa parte natin sa environment department hindi tayo tumitigil sa pagpapalaganap ng awareness na kailangan natin ng bakawan. Kailangan nating tulungan ang ating kalikasan, ang bakawan kasi ay buffer ‘yan sa storm surges.” Pahayag pa ni Atty. Aquino. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch