No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Safety Seal Certificate, iginawad ng DTI Occ Min sa 4 na establisimyento

Safety Seal Certificate, iginawad ng DTI Occ Min sa 4 na establisimyento

Ang Safety Seal ay tanda na nagpapatupad ng minimum public health standards ang isang tindahan bilang proteksyon sa mga kawani at kliyente nito laban sa COVID-19. (VND/Occ Min)

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Hunyo 28 (PIA) – Iginawad kamakailan ng Panlalawigang Tanggapan ng Department of Trade and Industry (DTI-Occ Min) ang Safety Seal Certificate sa apat na tindahan sa bayan ng San Jose.

Ang mga establisimyentong ito ay ang Robinson Builders, Savemore Department Store, Pick-Up Shop at Gaizano Capital.

Ayon kay DTI Regional Director Joel Valera, ang Safety Seal ay tanda na nagpapatupad ng minimum public health standards ang isang tindahan bilang proteksyon sa mga kawani at kliyente nito laban sa COVID-19. Aniya, higit na tatangkilikin ng mga consumer ang isang tindahan na nakapagbibigay ng seguridad sa kanilang mga mamimili.  

Ang programa ng pagkakaloob ng Safety Seal ay magkakatuwang na pinangungunahan ng Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Tourism (DOT), Department of Health (DOH), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Transportation (DOTr) at DTI.  

Sinabi ni Maritess Cuevas, Senior Trade and Industry Development Specialist ng DTI Occ Min, na lahat ng mga ahensyang nabanggit ay may iba’t ibang grupo ng mga establisimyento na binibigyan ng safety seal, basta’t nakapasa sa panuntunan ng programa. “Tulad namin sa DTI, maaari kaming magbigay ng Safety Seal sa grocery store, supermarket, shopping club, convenience store, hardware at iba pa,” saad ni Cuevas. Ang mga establisimyentong ito din ay karaniwang regular na minomonitor ng DTI para naman sa pagtalima sa Product Standards.

Ayon naman kay RD Valera, ang isang tindahan na humihingi ng safety seal ay sasailalim sa ebalwasyon upang matiyak kung sapat ang pinaiiral na proteksyon kontra COVID-19 para sa mga manggagawa at tagatangkilik nito. Kabilang aniya sa kanilang tinitingnan ay kakayahan ng tindahan na kumuha ng sapat na datos o impormasyon para sa contact tracing, tulad ng paggamit ng StaySafe.ph o iba pang pamamaraan; paglalagay ng handwashing stations na may sabon, sanitizer o alcohol dispenser; pagpapatupad ng physical distancing; at iba pang mga itinatakda ng health protocols.

Binigyang linaw din ni Valera na ang Safety Seal Certificate ay libre, renewable pagkalipas ng anim na buwan, at maaaring bawiin sakaling mapatunayan na hindi na sumusunod sa minimum health standards ang isang establisimyento. (VND/PIA MIMAROPA)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch