BOAC, Marinduque (PIA) – Namahagi ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng mga scholarship grant certificates (SGC) kamakailan kaugnay ng libreng pagsasanay na kanilang ibinibigay.
Pinangunahan ng kinatawan ng Marinduque sa Kongreso at Speaker of the House of Representatives, Lord Allan Jay Q. Velasco kasama si TESDA Provincial Director Zoraida V. Amper ang pamamahagi ng sertipiko sa lahat ng mga rehistradong Technical Vocational Institutions (TVI) at TESDA Administered Schools sa lalawigan.
Sa mensahe ni Velasco, binigyang-diin nito ang mga long-term plan (pangmatagalang plano) kaugnay sa imprastraktura kagaya ng pagtatayo ng airport, seaport, economic zone at pagkakaroon ng maayos na internet connections at water supply na makatutulong ng malaki lalong-lalo na sa pagpasok ng mga industriya at kumpanya sa probinsiya.
“Rome wasn’t built in a day, Marinduque cannot be built in just a few years, it takes time, (Hindi naitatag ang bansang Roma sa loob ng isang araw gayundin ang Marinduque, hindi ito maitatayo sa loob ng iilang taon, kailangan ng sapat na panahon) kaya kapag nailagay po natin ang mga kinakailangan imprastraktura, sunud-sunod na po iyan”, ani Velasco.
Aniya, kapag pumasok ang malalaking industriya sa Marinduque, mangangailangan tiyak ng iba’t ibang ‘specific skills’ kung saan ito ang gampanin ng TVI at TESDA.
“Kayo po ang magiging ‘training arm’ ng mga industriyang ito”, dagdag ng kongresista.
Samantala, sinabi ni Amper na sa pagpapatupad ng mga nabanggit na libreng pagsasanay, kailangang naaayon at alinsunod sa mga patakaran na itinakda ng ahensiya ang gagawing implementasyon. (RAMJR/PIA MIMAROPA)