Nasa 137,620 na ang bilang ng mga nabakunahan laban sa COVID-19 sa Nueva Ecija. (San Jose City LGU File Photo)
Nasa 137,620 na ang bilang ng mga nabakunahan laban sa COVID-19 sa Nueva Ecija.
Mula sa datos ng Provincial Health Office nitong Hunyo 22, nasa 105,615 ang nabigyan ng unang dose ng bakuna samantalang nasa 32,005 ang nabigyan na ng pangalawang dose na mga mamamayang sakop ng priority group na A1 hanggang A3.
Ayon sa Governor Aurelio Umali, lahat ng mga bakunang ipinamamahagi sa lalawigan ay galing sa pamahalaang nasyonal.
Samantala, ibinalita din niyang darating na sa ikatlong linggo ng Hulyo ang mga bakunang binili ng Kapitolyo na aabot sa 133,000 doses.
Sa pagdating ng mga ito aniya, hangad ng pamahalaang panlalawigan na makapagbakuna ng mas maraming Novo Ecijanong kabilang ang mga economic frontliners, mga guro, at iba pang indibidwal na nais nang magpabakuna.
Bukod sa inihandang storage facility ng lalawigan para sa mga paparating na bakuna, binanggit din ni Umali na mayroon silang COVID-19 vaccine portable storage na magagamit upang maabot ang mga nasa malalayong barangay. (MJSC/Camille C. Nagano-PIA 3)