Kinumpirma ng LIATF against COVID-19 na nakapasok na sa Puerto Princesa ang COVID-19 south african variant.
(Larawan mula City Assesors Office FB page)
PUERTO PRINCESA, Palawan, (PIA) -- Nakapasok na sa lungsod ng Puerto Princesa ang South African Variant ng COVID-19.
Ito ang kinumpirma ni Local Inter-Agency Task Force against COVID-19 (LIATF) spokesperson Atty. Norman Yap sa virtual press briefing noong Hunyo 29.
Ayon kay Atty. Yap, ang nahawaan ng naturang variant ay ang COVID-19 patient na naisailalim sa swab test noong Hunyo 1, 2021.
“May nakarating nang report ang ating City Epidemiology Surveillance Unit (CESU) at Incident Management Team (IMT) na mayroon na ngang kumpirmayon mula sa sa Philippine Genome Center na nandito na ang south african variant sa lugar ng Puerto Princesa City,” saad ni Yap.
Magkagayunman, sinabi ni Yap na ang pasyenteng ito ay magaling na at nakalabas na ng quarantine facility ng syudad maging ang kaniyang mga naging close contact. Malaking palaisipan naman para sa LIATF kung saan niya ito nakuha dahil wala naman siyang travel history.
Nakakabahala aniya ito lalo na’t hindi pa alam kung paano ito nakapasok sa syudad kaya dapat na mag-ingat ang publiko at huwag magpakampante.
Samantala, inanunsyo rin ni Atty. Yap na hindi na sila aapela sa National IATF matapos na isailalim muli sa Modified Enhance Community Quarantine (MECQ) ang syudad. Ang dahilan aniya ay ang mataas na utilization rate ng mga ospital, hindi bumababang mortality rate at ang pagkakatuklas sa south african variant sa isang pasyente. (MCE/PIA Mimaropa) .