No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: First 1000 Days ni Baby, sentro ng pagdiriwang Buwan ng Nutrisyon 2021

First 1000 Days ni Baby, sentro ng pagdiriwang Buwan ng Nutrisyon 2021

Katuwang ng NNC Mimaropa ang ilang media entities sa rehiyon na kasapi ng PROMO Nutri Com, sa pagpapalaganap ng impormasyon sa wastong nutrisyon lalo na ang kahalagahan ng First 1000 days ni Baby. (NNC Mimaropa)

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Hunyo 29 (PIA) -- Sentro ng pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon ngayong Hulyo 2021, ang kahalagahan ng unang isang libong araw ng isang bata.

Ayon kay Ma. Eileen Blanco, Nutrition Program Coordinator (NPC) ng National Nutrition Council (NNC) - Mimaropa, ang unang 1000 araw ay nagsisimula sa pagbubuntis hanggang sa ikalawang taon ni baby.

“Sa panahong ito nahuhubog ang kaisipan at pisikal na pangangatawan ng isang indibidwal kaya’t mahalagang matiyak na makuha ang sapat na nutrisyon,” saad ni Blanco.

Ang kabiguang maibigay ang mga sustansiyang kailangan ng bata sa loob ng nabanggit na panahon ay habambuhay ang epekto at hindi na mababawi. Kalimitang resulta, ani Blanco, ay mahinang resistensya, at malnutrisyon na maaring mauwi sa pagkabansot o stunting.

Upang higit pang palakasin ang kampanya ng First 1000 Days, may inihanay na mga aktibidad ang NNC ngayong Nutrition Month. Ayon sa Nutrition Program Coordinator, sa paglulunsad ng isang buwang pagdiriwang sa Hulyo 1, magbibigay ng statement of support para sa mga programang pang-nutrisyon ang mga local chief executive, iba’t ibang mga samahan, at iba pang mga stakeholder ng wastong nutrisyon.

“Mayroon ding mga patimpalak gaya ng Idol ko si Tatay Poster Making Contest, First 1000 Days Tiktok Challenge, Best Complimentary Food Recipe, at First 1000 days online information sharing session,” dagdag ni Blanco. Naglaan aniya ang Department of Health (DOH) ng cash prizes sa mga mananalo. Makikita ang mechanics ng mga nasabing contest sa Facebook page ng NNC Mimaropa (https://www.facebook.com/NNCMiMaRoPaRegion).

Paalala naman ni Blanco sa lahat - bagamat may mga ganitong aktibidad ngayong buwan ng Hulyo, araw-araw dapat isinasapuso ang pagpapahalaga sa tamang nutrisyon at pagsasabuhay ng mga itinuturo ng pamahalaan, kabilang na ang First 1000 days ni Baby, para sa malusog na pamayanan.

Ang tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon ngayong taon ay “Malnutrisyon patuloy na labanan, First 1000 Days tutukan!” (PIA/MIMAROPA)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch