No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Lokal na industriya ng pagbababuyan sa Occ Min, palalakasin, ayon sa PVET

Lokal na industriya ng pagbababuyan sa Occ Min, palalakasin

Upang matiyak na mananatiling ligtas ang lalawigan sa African Swine Flu (ASF), nagi-spray ng disinfectant ang mga kawani ng PVET sa mga sasakyang papasok ng probinsya. (PVET Occ Min)

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Masusing pinag-aaralan ngayon ng tanggapan ng Provincial Veterinary (PVET) ang planong palakasin ang industriya ng pagbababuyan sa lalawigan, ayon kay Dr. Kristofferson Gonzales, Provincial Veterinarian sa ginanap na Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDDRMC) 2nd Quarterly Meeting kamakailan.

Sinabi ni Dr. Gonzales na ito ang nakikitang solusyon sa nararanasang kakulangan ng supply ng karneng baboy sa probinsiya. Simula 2019, ipinagbabawal ang pagpasok at paglabas ng buhay na baboy at iba pang mga produkto nito sa Occ Min, alinsunod sa Executive Order 34 ni Governor Eduardo Gadiano. Kalaunan, ipinalabas ang Executive Order 34-A na nagpapahintulot na maipasok ang mga baboy mula Oriental Mindoro.

Gayunman, naging kakumpetensiya ng probinsiya ang mga middlemen mula Metro Manila na binibili ang ang mga baboy mula Oriental Mindoro sa mas mataas na presyo.

“Dahil sa African Swine Fever (ASF), kapos ang supply sa National Capital Region (NCR) at doon napupunta ang dapat sana ay sa atin.  Hindi tayo makasabay sa presyo ng bilihan, kaya umaasa tayo sa local hog raisers, na hindi naman sapat sa ating pangangailangan,” paliwanag ni Dr Gonzales.

Bunsod nito ay nakipag-ugnayan ang PVET sa mga samahan ng hog raisers mula sa Sablayan, na nagmungkahing palakasin ang lokal na pagbababuyan.  Ang panukala ng mga samahan, LGU ang bibili ng mga palakihing baboy at sila ang magpaparami. “Dapat ang mga palahiang baboy ay yung mabilis lumaki, maraming manganak at maganda ang kalidad ng karne,” ayon pa kay Dr. Gonzales.

Sa pagsasakatuparan ng plano, titiyakin na walang ASF sa pagkukunan ng mga baboy at habang nasa byahe ay babantayan na hindi magkaroon ng contact sa ibang mga hayop na posibleng makahawa sa kanila ng anumang sakit.

“Pagkarating ng mga palahiang baboy sa lalawigan ay dadalhin muna sa isang pasilidad upang i-quarantine sa loob ng 40 araw,” ani Dr. Gonzales. Kung makita na maysakit ang alinman sa mga ito, gagawan agad ng aksyon bago pa man ipamahagi sa local hog raisers.

Naniniwala ang PVET na malaki ang potensiyal na magtagumpay ang programa, lalo pa at nananatiling walang kaso ng ASF sa Occ Min. “Hindi lang ang lalawigan ang makikinabang, dahil kung lalabis ang produksyon natin ng baboy, posible rin tayong makapag-supply sa Metro Manila at mga kalapit probinsya.”

Batid na ni Governor Eduardo Gadiano ang hinggil sa plano, ngunit nilinaw ni Dr. Gonzales na magpupulong pa ang mga stakeholder at Pamahalaang Panlalawigan upang talakayin ang mga detalye nito.  (PIA/MIMAROPA)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch