No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Pagkuha ng Maternity Benefit sa SSS, magiging online na

Si Social Security System Malolos Branch Manager Albina Leah Manahan. (PIA 3 File Photo)

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Hindi na kailangang magpakita nang personal ang mga nanganak sa mga branches ng Social Security System o SSS upang makapagsumite ng aplikasyon o makakuha ng mga maternity benefits.

Simula ngayong Setyembre 1, magiging fully operation na ang online system para sa Maternity Benefit Application at sa Maternity Benefit Reimbursement Application.

Ayon kay kay SSS Malolos Branch Manager Albina Leah Manahan, hanggang Agosto 31 na lamang tatanggap ng ganitong aplikasyon ang SSS sa pamamagitan ng drop box at over-the-counter.

Bahagi aniya ito ng ipinapatupad na digitalization initiatives ng SSS upang hindi na lumabas ang mga bagong panganak sa kani-kanilang mga bahay habang naka-105 maternity leave, lalo ngayong may pandemya pa.

Madadagdag ang aplikasyon para sa maternity benefits sa mga online transactions ng SSS sa iba pang benepisyo gaya ng unemployment, sickness, retirement at funeral.

Ipinaliwanag ni Manahan na saklaw ng Maternity Benefit Application ang mga babaeng nanganak na self-employed, voluntary, Overseas Filipino Workers, mga housewives at mga separated from employment habang ang mga nasa kategoryang Maternity Reimbursement Application ay ang mga babaeng nanganak na nagtatrabaho sa pribadong sektor kung saan kasama rin dito ang mga kasambahay.

Ang magiging sistema, kinakailangang magkaroon ng sariling account ang miyembrong nanganak sa My.SSS portal na matatagpuan sa www.sss.gov.ph.

Dito maaaring magsumite ng aplikasyon sa pamamagitan ng pag-click sa klasipikasyon ng aplikante, paraan ng pagkakapanganak o estado ng pagkatao kung solo parent, kasal o hindi. Maari ring makakuha ng maternity benefits ang mga nakunan.

Kinakailangang naka-scanned ang mga dokumentong kailangan bilang rekisito sa aplikasyon at mai-upload sa online system.

Malalaman kung naaprubahan at uubra nang makuha ang benepisyo sa pamamagitan ng pagpapadala ng SSS sa email address ng isang aplikanteng nanganak.

Pinayuhan naman ni Manahan ang mga nakakatandang anak o sinumang kaanak ng nanganak na miyembro na agapayan ito sa paggamit ng online system upang maging maayos ang pagsusumite ng aplikasyon. (CLJD/SFV-PIA 3)



About the Author

Shane Velasco

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch