
LUNGSOD CALOOCAN, (PIA) -- Dahil sa pagtatapos ng effectivity ng Bayanihan to Recover as One Act kahapon, pansamantala munang ititigil ang pagpapatupad ng Service Contracting at Libreng Sakay Program ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) simula Hulyo 1, 2021.
“Ito ‘ho ay sa kadahilanang ang pondo na ginagamit pambayad sa mga tsuper at operator na kasali sa Service Contracting at Libreng Sakay Program ay nagmumula sa Bayanihan to Recover as One Act,” pahayag ni Kalihim Art Tugade ng DOTr.
Sa kabila nito, naniniwala si Tugade, at ang kabuuan ng DOTr at LTFRB, na malaking tulong ang Service Contracting sa mga pasahero dahil sa dulot nitong Libreng Sakay, gayundin sa mga drayber at operator, kung saan sila ay na nababayaran ng gobyerno sa bawat kilometrong kanilang bina-biyahe, may sakay man sila o wala.
Dagdag pa ng kalihim na makaaasa ang publiko na gagawin ng DOTr at LTFRB ang lahat ng kanilang makakaya upang maipagpatuloy muli, sa lalong madaling panahon, ang programa sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo para rito sa ilalim ng Republic Act 11518 o General Appropriations Act (GAA) 2021.
“Sa ngayon, pinoproseso na po ng DBM ang pagpapatupad nito,” pahayag ni Tugade.
Patuloy din umano ang LTFRB sa pagbibigay ng payout at insentibo sa mga drivers na sumali sa Service Contracting Program, para sa mga araw at kilometrong kanilang ibiniyahe.
Ayon pa sa kalihim, umabot na sa P1.5-bilyon ang halaga ng payout at insentibo na naipamahagi sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan na sumali sa Service Contracting Program.
Batay sa huling tala ng LTFRB, mahigit 19,000 drivers na ang nakakuha ng initial payout at 8,347 drivers naman ang nakatanggap na ng kanilang P25,000 at P20,000 onboarding incentives sa iba’t ibang rehiyon.
Samantala, mula Marso 29 hanggang Hunyo 28, 2021, nakapagtala naman ang Libreng Sakay Program ng ridership na umabot na sa higit 27.9-milyon. (DOTr/PIA-NCR)