No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: 1.2M Kabuhayan Projects naipamahagi ng DOLE sa Palawan

1.2M Individual Kabuhayan Projects, naipamahagi ng DOLE sa Palawan

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Umabot sa P1.2M ang halaga ng Individual Kabuhayan Projects na naipamahagi na ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Lungsod ng Puerto Princesa at sa Bayan ng Roxas, Palawan.

Ang nasabing halaga ay naipamahagi ng DOLE sa 58 benepisyaryo ng nabanggit na programa na nasa informal sector mula Enero hanggang Mayo 2021 kung saan 22 dito ay mga magulang ng mga profiled child laborer noong 2019.

Ilan sa mga Individual Kabuhayan Projects na naibigay sa mga benepisyaryo ay ang sari-sari store, rice retailing o bigasan, grocery store, food business, poultry supplies store, tailoring, carwash business, beauty salon and spa, ukay-ukay selling, at pastry business na ang mga halaga ay nasa P19,900 hanggang P30,000.

Ang mga benepisyaryo ng Individual Kabuhayan Projects ng DOLE sa Puerto Princesa at Roxas, Palawan. (Laraan mula sa DOLE-Mimaropa FB Page)

Ayon sa pahayag ng DOLE-Mimaropa sa kanilang facebook page, ang tulong pangkabuhayan na ito ay sa ilalim ng DOLE-Integrated Livelihood Program (DILP) o Kabuhayan Program na layong makatulong upang mabawasan ang kahirapan at maiiwas sa kapahamakan at panganib ang mga manggagawang nasa informal sector. Sa pamamagitan nito ay magkakaroon sila ng sariling trabaho at kita.

Ang proyektong ito ay bilang tugon din ng DOLE sa kampanya na maging child-labor-free ang bansa kung saan ang pamimigay ng tulong pangkabuhayan na ito sa mga magulang ng child laborers ay upang makabalik sa pag-aaral ang mga bata.

Ang pamamahagi ng benepisyo ay pinangunahan ni DOLE-Palawan Provincial Director Luis B. Evangelista bilang kinatawan na rin ni DOLE Mimaropa Regional Director Atty. Joffrey M. Suyao. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch