LUNGSOD CALOOCAN, (PIA) -- Binigyang diin ni Senator Win Gatchalian na dapat patatagin ng basic education sector ang kakayahan nitong maghatid ng edukasyon sa gitna ng mga sakuna at anumang emergency situation katulad ng pandemya ng COVID-19, sa gitna ng paggunita ng National Disaster Resilience Month ngayong buwan ng Hulyo.
“Pinagdaraanan natin ngayon ang pinakamalaking sakuna na nararanasan sa buong mundo. Sa pagtataguyod natin ng new o better normal sa edukasyon, nais nating tiyakin na ang ating sistema ng edukasyon ay mas matatag sa gitna ng mga krisis upang matiyak ang kapakanan ng bawat mag-aaral,” pahayag ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Sinabi ni Gatchalian na dahil sa naging pinsala ng COVID-19, lalong nakita ang pangangailang patatagin at gawing mas flexible ang sistema ng edukasyon, lalo na tuwing kinakailangang magsara ng mga paaralan. Mahigit dalawampu’t anim at kalahating (26.5) milyong mga mag-aaral sa basic education ang kinailangang sumailalim sa distance learning nang mahinto ang face-to-face learning noong Marso 2020.
Sa pagpapaigting sa edukasyon sa gitna ng mga sakuna, mahalaga para kay Gatchalian ang papel ng mga lokal na pamahalaan, lalo na ang mga local school boards. Isa sa mga probisyon sa Senate Bill No. 1579 o ang 21st Century School Boards ang mas pinalawig na papel ng mga local school boards. Sa ilalim ng panukalang batas, magiging papel na rin ng local school board ang paghahatid ng napapanahon, organisado, at localized na mga intervention para sa pagpapatuloy ng edukasyon sa panahon ng kalamidad at mga sakuna.
Isinusulong din ng 21st Century School Boards Act ang mas pinalawig na paggamit ng Special Education Fund (SEF) upang magamit sa mga ‘di pormal at distance education classes, pati na rin sa mga training programs.
Isinulong din sa Senate Bill No. 1565 o ang Education in the Better Normal Act ang hybrid learning system na gumagamit ng iba't ibang paraan ng pagtuturo: homeschooling, online learning, pagtuturo sa radyo at telebisyon, at mga printed modules.
Sa panahon ng mga krisis pang-kalusugan, dapat tukuyin sa mga plano ng pagbabalik-eskwela ang mga hakbang tulad ng paglilinis at disinfection ng mga paaralan, ang pagkakaroon ng public health supplies, preventive public health programs, at teacher training sa disease prevention and management, at iba pa.
Sa ilalim din ng panukalang batas, ang mga mental health services, life skill classes, at psychosocial first aid ay ihahatid sa mga mag-aaral. Para naman sa mga mag-aaral na may kapansanan at nangangailangan, isinusulong naman ang pagkakaroon ng abot-kaya at angkop na mga serbisyo. (OSWG/PIA-NCR)