No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Muling pagtaas ng COVID cases, naitala sa Navotas

LUNGSOD CALOOCAN, (PIA) -- Nararanasan ng Navotas City ang isa pang pagtaas ng mga bagong impeksyon sa COVID-19.

Dahil dito, binalaan ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang kanyang mga nasasakupan laban sa biglaan at hindi inaasahang pagtaas ng bagong kaso ng COVID-19 ng lungsod.

Ipinaalala ni Tiangco sa mga residente ng lungsod na huwag maging kampante laban sa pandemya kasunod ng nakababahala na bagong impeksyon ng COVID-19 na iniulat sa nagdaang ilang araw.

"Noong Hunyo 24, 41 lang ang ating mga aktibong kaso ngunit ngayon, higit na ito sa doble," ani Tiangco sa Facebook nitong Biyernes ng gabi kasunod ng pag-abot sa 85 ang mga kaso ng COVID-19 sa lungsod.

“Wala talagang puwang ang pagiging kampante. Di pwedeng malingat dahil buhay at kabuhayan ang nakataya, ”dagdag pa niya.

Ang mariing paalala ng alkalde ay naganap matapos matuklasan ng pamahalaang lokal sa pamamagitan ng contact tracing na 27 sa 40 mga pasyente na sumailalim sa swab test na nagmula sa isang establisimiyento ang nag-positibo sa nasabing virus.

"Ngayon lang po ulit tayo nakapagtala ng lagpas sa sampung nagpopositibo kada araw simula 10 June 2021," ani Tiangco.

Noong Huwebes, 14 na mga bagong kaso ang naiulat, ang pinakamataas mula noong Hunyo 10.

Kamakailan lamang, nakakuha ng mga papuri si Tiangco matapos na makontrol ng lokal na pamahalaan ang rate of infection ng lungsod sa oras na ang buong Metro Manila ay nakaranas ng isa pang pagdagsa ng mga bagong impeksyon. (PIA-NCR)

About the Author

Jerome Carlo Paunan

Editor

NCR

Feedback / Comment

Get in touch