No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Tamang sexuality education sa pagsugpo ng teenage pregnancy

LUNGSOD CALOOCAN, (PIA) -- Binigyang diin ngayong araw ni Senator Win Gatchalian ang kahalagahan ng pagtugon sa mga kakulangan ng comprehensive sexuality education (CSE), kasunod ng executive order ng Malacanang na nagdedeklarang gawing isang prayoridad ang pagsugpo sa teenage pregnancy o maaagang pagbubuntis.

Mandato kasi ng Responsible Parenthood and Reproductive Health (RPRH) Act of 2012 (Republic Act 10354) ang pagkakaroon ng angkop na reproductive health education.

Kabilang sa mga dapat talakayin dito ang mga isyung tulad ng proteksyon mula sa maagang pagbubuntis, pang-aabusong sekswal, gender-based violence, at responsableng asal. Upang gabayan ang paghahatid ng CSE, nilabas ng DepEd ang DepEd Order No. 31 s. 2018.

Sa kabila ng pagsasabatas ng RPRH Act, patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga batang ina ayon sa Commission on Population and Development (POPCOM).

Ilang ulit nagbabala ang Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture na ang pagpapatupad ng lockdown dahil sa COVID-19 pandemic ay maaaring maging sanhi ng lalong pagdami ng mga batang ina.

Iniulat ng POPCOM na noong 2020, mahigit dalawang libong (2,422) mga sanggol ang isinilang ng mga batang ina sa Cordillera, mas mataas ng halos limampung (46.43) porsyento mula sa mahigit isang libo’t anim na raang (1,654) isinilang noong 2019.

Para sa taong 2019, ang mga menor de edad na may edad labing-lima (15) pababa na naging ina ay mahigit animnapu’t dalawang libo at limandaan (62,510) mula sa animnapu’t dalawang libo’t tatlong daan (62,341), ayon sa POPCOM.

Ayon pa sa komisyon, mahigit dalawang libong (2,411) mga batang may edad na sampu (10) hanggang labing-apat (14) ang nanganak noong 2019, mas mataas ng tatlong beses mula sa pitong daan at limampu’t limang (755) naitala noong 2000.

Sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), lumalabas na sa pagtuturo ng RPRH ay nakita ang kakulangan ng manpower at mga pasilidad, mga training, mga kagamitan sa pagtuturo, koordinasyon, at monitoring system.

Ayon pa sa PIDS, hindi rin sapat at abot-kamay ang mga trainings sa pag-integrate ng CSE sa curriculum.

Ayon din sa senador, makatutulong ang Alternative Learning System (ALS) upang mabigyan ang mga batang ina ng pagkakataon upang muling makapag-aral. Si Gatchalian ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11510 o ang Alternative Learning System Act.

“Ang pagbibigay ng sapat at wastong edukasyon ay isa sa mga pinakamahalagang hakbang na pwede nating gawin upang hindi mapagkaitan ang ating mga kabataan ng magandang kinabukasan,” ani Gatchalian. (OSWG/PIA-NCR)

About the Author

Jerome Carlo Paunan

Editor

NCR

Feedback / Comment

Get in touch