No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: 1,500 trabahong alok sa muling pagbangon ng ekonomiya

LUNGSOD CALOOCAN, (PIA) -- Habang patuloy na bumubuti ang merkado ng paggawa kasunod ng unti-unting pagbubukas ng ekonomiya, inihayag ngayong araw ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pangangailangan sa 1,500 manggagawa sa isang manufacturing company na naka-base sa Laguna (105km timog ng Metro Manila).

Lumapit si Engr. Renato B. Almeda, vice-president ng Yazaki-Torres Manufacturing Inc. (YTMI) kay Labor Assistant Secretary at Concurrent Bureau of Local Employment Director Dominique Rubia-Tutay at humiling ng tulong sa Kagawaran sa paghahanap ng karagdagang manggagawa upang suportahan ang kasalukuyang operasyon ng kompanya. Ang kompanya ng Yazaki-Torres ang pinakamalaking tagagawa ng wiring harness sa Pilipinas at nangungunang exporter ng automotive parts sa bansa.

Umaasa ang kompanya, na nagkamit ng parangal bilang PEZA Outstanding Employer Hall of Fame at ng Presidential Outstanding Healthy Workplace, na sa pamamagitan ng network ng DOLE, mailalapit ang oportunidad na ito sa mga manggagawang Filipino na lubhang naapektuhan ng pandemya.

Nagpasalamat ang Kagawaran sa YTMI sa kanilang inisyatibo.

"Naniniwala ang DOLE na mahalaga ang pagtutulungang ito para sa tuloy-tuloy na pagbangon ng ating bansa,” pahayag ni Bello.

“Kailangang magkaroon pa tayo ng pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan at pribadong sektor para patuloy na gumanda ang merkado ng paggawa at bumaba ang bilang ng walang trabaho."

Alinsunod ito sa pangunahing layunin ng National Employment Recovery Strategy (NERS) Task Force, kung saan co-chair ang DOLE. Nakatuon ang inter-agency task force sa isang layunin na “whole-of-society” tungo sa pagbabalik ng trabaho.

Noong nakaraang linggo, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang isang executive order na pinagtitibay ang NERS at nag-aatas sa task force na pangasiwaan ang implementasyon nito.

Matapos ang paglabas nito, agad na kumilos ang Task Force, at pinasimulan ang paglulunsad ng isang pinagsamang proyekto na naglalayong makalikha ng isang milyong trabaho.

Pinagsasama ng Reform, Rebound, Recover: One Million Jobs for 2021 ang mga pangunahing ahensiya ng pamahalaan at mga nangungunang grupo ng negosyo ang paglikha ng isang milyong trabaho sa construction, manufacturing (particular sa semiconductors at electronics), tourism and hospitality, at export industries.

Sa panig ng pamahalaan, ang DOLE ang namumuno sa proyekto, kasama ang Employers’ Confederation of the Philippines para sa pribadong sektor.

“Sa paglulunsad ng ‘Reform, Rebound, Recover’, makaaasa ang publiko ng mas maraming tawag para sa mga aplikante tulad nito mula sa Department,” pahayag ni Asec. Rubia-Tutay.

“Ang DOLE at ang NERS Task Force ay patuloy na magpupunyagi upang tiyakin ang ligtas na pag-unlad ng bumubuting merkado ng paggawa.”

Maaaring ipadala ng mga naghahanap ng trabaho at nagnanais mag-aplay sa mga bakanteng posisyon sa YTMI ang kanilang resume kung saan nakasaad ang kanilang messenger account at contact details sa ‘YTMI Hiring’ sa Messenger o sa email nito ytmirecruitment@gmail.com, j.rubio@khmpc.com.ph, o june.belen2017@yahoo.com. (DOLE/PIA-NCR)

About the Author

Susan De Leon

Assistant Regional Head

NCR

IO 3

Feedback / Comment

Get in touch