
LUNGSOD CALOOCAN (PIA) -- Makikipagtulungan ang Presidential Anti-Corruption Commission sa tanggapan ni Sen. Manny Pacquiao hinggil sa mga akusasyon nito kaugnay ng usaping kurapsyon.
Ayon kay PACC chief Greco Belgica, nakahanda ano mang oras ang mga kawani nito na tanggapin ang lahat ng dokumentong ibibigay ng mambabatas at agaran umanong aanalisahin ang mga impormasyong nakapaloob dito.
Dagdag pa ni Belgica, makatutulong sa PACC ang ano mang dagdag na datos na maibibigay ng senador upang mas matutukan pa lalo ang mga 'di umano'y katiwalian sa mga tanggapan ng pamahalaan punto por punto.
Nitong nakaraang araw ay naglabas sa publiko ang senador ng mga dokumentong naglalaman umano ng buong detalye ng kanyang mga ibubulgar na kurapsyon sa mga ahensya ng gobyerno
Sa ngayon ay hinihintay pa rin ng PACC ang koordinasyon mula sa opisina ng mambabatas upang matalakay na ang naturang usapin. (PACC/PIA-NCR)