No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Sambayanan, inilunsad sa Palawan

Sentrong Alyansa ng mga Mamamayan para sa Bayan, inilunsad sa Palawan

Ang paglulunsad ng lokal na sangay ng Sentrong Alyansa ng mga Mamamayan para sa Bayan o SAMBAYANAN sa Palawan nitong Hulyo 4 kung saan kasabay nito ang panunumpa ng mga opisyales sa pamumuno ni David Dwine "Gandhi" Dalag. (Larawan mula sa PTF-ELCAC)

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Inilunsad nito lamang Hulyo 4, ang lokal na sangay ng Sentrong Alyansa ng mga Mamamayan para sa Bayan o SAMBAYANAN sa Palawan.

Ang nasabing organisasyon ay binuo ng mga dating matataas na kadre ng CPP-NPA-NDF sa pangunguna ni Jeffrey ‘Ka Eric’ Celiz na ngayon ay nasa panig na ng gobyerno.

Layon ng organisasyon na mawakasan ang panghihikayat, pagri-rectuit at pananamantala sa mga ‘vulnerable sector’ ng lipunan kung saan ang mga ito ang pangunahin target ng mga Communist Terrorist Group (CTG) partikular ng New People’s Army (NPA).

Hangad din ng grupong ito na matulungan ang bawat sektor na maging kapaki-pakinabang sa komunidad at maging kabahagi ng kapayapaan sa lalawigan.

Sa kasalukuyan ang SAMBAYANAN-Palawan ay aktibo sa pagbibigay impormasyon sa mamamayang Pilipino hinggil sa kanilang mga naging karanasan sa loob ng kilusan at nagmumulat sa mamamayan sa panlilinlang ng komunistang teroristang grupo.

Nahirang na mamuno sa organisasyong ito si David Dweine "Gandhi" Dalag, kung saan kasabay ng paglulunsad nito ay isinagawa ang kanilang panunumpa sa tungkulin kasama ng iba pang mga opisyales.

Ang mga nanumpang opisyales ng SAMBAYANAN-Palawan ay nagmula sa ibat-ibang sektor na nabibilang sa urban poor, magsasaka, mangingisda, Indigenous Peoples o IPs, kababaihan, kabataan, mula sa sangay ng mga negosyante at mga dating rebelde o Former Rebels (FRs) na miyembro ng KADRE-Palawan.

Dumalo rin sa nasabing aktibidad si Atty. Teodoro Jose S. Matta, bilang kinatawan ni Gobernador Jose Ch. Alvarez, kung saan inihayag nito ang suporta ng pamahalaan sa lahat ng nga layunin ng SAMBAYANAN-Palawan at ang mga sektor na bumubuo dito.

Aniya, kailangan magkaroon ng tunay na pagbabago, hindi lamang sa mga naging rebelde kundi maging sa gobyerno at para mangyari ito, kailangan natin magtulungan. Ang gobyerno ay may tungkulin na dapat na gampanan at ilan na dyan ang pabahay, edukasyon, kalusugan, hanap-buhay at seguridad.

“Naniniwala ako na hindi natin kakayanin ang bawat plano at mithiin kung wala ang suporta at tulong ng pamahalaan. Umpisa pa lamang po ng ating tatahaking landas ng SAMBAYANAN-Palawan at sisiguraduhin po natin na bawat sektor ay may matatag na samahan,” pahayag ni Dalag.

Nagtapos ang programa sa pamamagitan ng isang mithiin na mawakasan na ng tuluyan ang insurhensiya sa Palawan at manaig ang Kapayapaan. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan – may kasamang ulat mula sa PTF-ELCAC)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch