No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News:  New City Health Medical Complex, itinatayo

 New City Health Medical Complex sa Puerto Princesa, itinatayo

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Itinatayo ngayon ang New City Health Medical Complex ng Puerto Princesa City sa Barangay Santa Monica.

Sinabi ni  Assistant City Health Officer Dr. Dean Palanca sa sangguniang panglunsod noong Hulyo 5 na kapag natapos ito ay plano nilang ilipat dito at pagsasamahin sa iisang gusali ang main office at branch ng City Health Office na nasa magkalayong lokasyon lalo na’t masikip na rin ang kanilang tanggapan  dahil sa pagdami ng kanilang mga empleado at para hindi  na rin mahirapan ang mga residente na magpabalik-balik sa magkahiwalay na opisina nila kapag may kailangan lalo kung magpapakonsulta.  

Ayon pa kay Dr. Palanca,  marami ang maseserbisyuhan ng CHO kapag ito ay natapos  dahil mayroon itong  malawak na  waiting area sa gitna  at may 12 opisina ng mga Doktor na kayang magkonsulta ng sabay-sabay.


Ang ginagawang New City Health Medical Complex sa Rafols road, Barangay Santo Monica, Puerto Princesa City (larawan ni Michael Escote, PIA-Palawan)

"Nakadesign siya sa susunod na sampung taon para ma-cater niya ang dumadaming populasyon ng Puerto Princesa,"  saad pa niya.

Dagdag pa ni Palanca, mayroon rin itong birthing facility para sa mga inang manganganak kung saan  libre lang ang bayad sa laboratory equipments, x-ray room at marami pang iba.

Ang phase 1 ay pinondohan na ng mahigit P59 milyon at ang Phase 2 ay may pondong mahigit P89 milyon habang humiling na ng  P200 Milyon ang city engineering office para pondohan ang Phase 3 para matapos ang proyekto na  may lower basement, upper basement, lower ground, upper ground floor, second floor at third floor.

Dahil sa pagkaantala dulot ng ilang kadahilanan at ng COVID-19 pandemic, inaasahan na  sa taong 2023  pa matatapos ang gusali  na nagsimula noong Abril 2020.(MCE/PIA Mimaropa)

About the Author

Michael Escote

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch