LUNGSOD NG BUTUAN (PIA) -- Kasabay sa selebrasyon ng Buwan ng Nutrisyon, mas pinaigting pa ang information drive sa benepisyong naibibigay ng breastfeeding ng nanay sa mga bata sa pangunguna ng National Nutrition Council (NNC) kasama ang grupong tinatawag nilang ‘Breastfeeding Nanays sa Caraga.’
Para kay Rhea Carampatana na isang working mom sa kanyang tatlong anak, at isa sa mga natatanging nanay na bumubuo sa nasabing grupo, mahalaga na may oras ang mga nanay sa kanilang supling at ang exclusive breastfeeding nito mula 0-6 months at hanggang dalawang taon dahil nakapagbibigay ito ng sapat na nutrisyon at nagpapatibay ng immune system.
Maganda rin aniya ang naidudulot ng breastfeeding sa mga nanay para maiwasan ang ibat-ibang sakit tulad ng cancer, osteoporosis, heart disease, at iba pa.
“Hindi lang ito nakatutulong sa kalusugan ng ina at ng kanyang anak, malaking tulong rin ito sa pamilya na makapag-ipon dahil mas praktikal ito at hindi pa nakakasira sa kapaligiran. Kaya dapat bigyang-suporta ng bawat pamilya ang mga nanay na nagpapadede at kanilang supling,” ani ni Carampatana.
Nanawagan din siya sa lahat na iwasan ang diskriminasyon sa mga nanay na nagpapadede ng kanilang anak sa pampublikong lugar. Ipagpatuloy din aniya ng mga nanay ang pagbigay tugon sa pangangailangan ng kanilang anak lalo na ngayong may COVID-19 pandemic.
“Para naman po sa mga donors, iwasan po nating magbigay ng mga artificial milk lalo na ngayong may health emergency crisis tayo dahil hindi po ito nakakatulong sa mga breastfeeding nanay,” dagdag ni Carampatana.
Ayon din kay Retsebeth Laquihon, OIC-Regional Nutrition Program Coordinator ng NNC-Caraga, maraming pwedeng maibahagi ang mga Caraganon upang mapigilan ang insidente o kaso ng malnutrisyon lalo na ngayong mga COVID-19 pandemic.
Lumagda din ang iba’t-ibang sektor sa pledge of commitment tarp bilang suporta sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon at adbokasiya para mas mapaigting pa ang pagbibigay at implementasyon ng mga programang magpapalago sa kalusugan at nutrisyon sa ibat-ibang probinsya sa caraga region. (JPG/PIA-Caraga)