IBA, Zambales (PIA) -- May 480 residente sa barangay Tatal sa bayan ng Masinloc sa Zambales ang nakinabang sa Expanded Caravan at Medical Mission ng Municipal Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
Ayon kay Mayor Arsenia Lim, layunin nito na mag-abot ng tulong medikal sa mga kababayang nasa liblib na kabundukan ng Coto at Mandaloy.
Naging katuwang ng pamahalaang bayan sa naturang aktibidad ang Philippine Army, Philippine National Police at pamahalaang panlalawigan.
Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob sa mga residente ang libreng medical check-up, libreng gamot, libreng pagkain at libreng gupit.
Nagpaalala naman si Lim sa mga residente na huwag suportahan at malinlang na sumapi sa mga rebelde.
Aniya, napakalaking bagay ang ginagawa ng mga sundalo at wala siyang nakikitang dahilan upang sumuporta at malinlang sa mga komunistang grupo sapagkat ang mga programa ng pamahalaan ay ibinababa sa kanila.
Hinikayat din nya ang mga miyembro at taga suporta ng mga rebelde na sumuko at magbalik loob sa pamahalaan.
Marami aniyang programa ang gobyerno para sa mga rebelde na nais magbalik loob at sumuko sa pamahalaan. (CLJD/Reia G. Pabelonia-PIA 3)
May 480 residente ng Sitio Mandaloy at Coto sa Barangay Tatal sa bayan ng Masinloc sa Zambales ang nakinabang sa Expanded Caravan at Medical Mission ng Municipal Task Force to End Local Communist Armed Conflict. (Army 33rd Mechanized Infantry Company)