LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Abot na sa P37 milyon halaga ng tulong medikal ang naipamahagi ng Ministry of Social Services and Development ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MSSD-BARMM) sa mga mahihirap na pasyente sa rehiyon.
Mula noong nakaraang taon, 10 ospital na sa BARMM ang pumasok sa kasunduan ng ministry sa pamamagitan ng Bangsamoro Critical Assistance in Response to Emergency Situation (B-CARES) Program nito.
Saklaw ng B-CARES ang hospitalization expenses, medicines, at medical treatment and procedures, kabilang ang laboratory, CT scan, dialysis, MRI, anti-retroviral therapy, at chemotherapy ng mga natukoy na mahihirap na benepisyaryo.
Samantala, kamakailan ay dalawang ospital sa North Cotabato ang nakatanggap ng mga tseke mula sa ministry para sa tulong medikal. Ito ay ang Community Health Services Cooperative Hospital (COHESCO) sa Midsayap, at Dr. R.A.M Albutra General Hospital sa Kabacan. Bawat isa ay nakatanggap ng isang milyong piso. Partikular na makikinabang sa tulong ang mamamayan sa 63 barangay ng North Cotabato o yaong napabilang sa Special Geographic Area ng BARMM.
Binigyang-diin ni MSSD Minister Atty. Raissa Jajurie na ang nasabing inisyatibo ay naglalayong makapaghatid serbisyo sa mga indibidwal at pamilya sa rehiyon na nakararanas ng krisis.
Maliban sa dalawang nabanggit na ospital, kabilang din sa nabigyan na ng tulong ng MSSD ang mga sumusunod: Cotabato Regional and Medical Center sa Cotabato City, P10,000,000; Amai PakPak Medical Center sa Marawi City, Lanao del Sur, P10,000,000; Datu Halun Sakilan Memorial Hospital sa Bongao, Tawi-Tawi, P5,000,000; Sulu Provincial Hospital sa Jolo, Sulu, P3,000,000; Pangutaran District Hospital sa Pangutaran, Sulu, P1,000,000; Basilan General Hospital sa Isabela City, Basilan, P2,000,000; Cotabato Sanitarium Hospital sa Sultan Kudarat, Maguindanao, P2,000,000; at Maguindanao Provincial Hospital, P2,000,000. (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from BIO-BARMM).