Umabot na sa 3,228,558 mula sa 2,963,360 ang populasyon sa rehiyon ng Mimaropa base sa 2020 Census of Population and Housing na inilabas kahapon ng Philippine Statistics Authority. (PIA Romblon File Photo 2019)
ODIONGAN, Romblon (PIA) -- Umabot na sa 3,228,558 mula sa 2,963,360 ang populasyon sa rehiyon ng Mimaropa base sa 2020 Census of Population and Housing (2020 CPH) na inilabas kahapon ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Nakikita ang pagtaas ng populasyon sa rehiyon ng 8.95% sa loob lamang ng limang taon.
Ang probinsya ng Palawan ang may pinakamaraming bilang ng populasyon na ngayon ay umabot na sa 939,594. Hindi pa kasama sa bilang na ito ang 307,079 na populasyon na naitala naman sa lungsod ng Puerto Princesa.
Sinundan ang Palawan ng Oriental Mindoro na may 908,339 na dami ng populasyon kung saan halos 16.05% rito ay nasa Calapan, ang sentro ng kalakalan ng probinsya.
Abot naman sa bilang na 525,354 ang naitalang ng populasyon sa Occidental Mindoro, habang 308,985 sa probinsya ng Romblon.
Ang Marinduque parin ang may pinakakakaunting bilang ng populasyon sa rehiyon.
Samantala, sa buong bansa, umabot na ang kabuoang populasyon nito sa 109,035,343.
Ang mga numerong ito ay pormal nang inanunsyo ng PSA matapos ideklarang opisyal ni President Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng Proclamation No. 1179 .
Kasama na sa mga datus na ito ang mga Pilipino na nasa Philippine embassies, consulates, at missions abroad. (PJF/PIA Mimaropa)