No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Emergency response, pagsuporta sa mga magsasaka lalo pang palalakasin sa Kidapawan City

LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng North Cotabato, (PIA) -- Lalo pang palalakasin dito sa siyudad ang pagresponde sa mga emerhensya, lalo na may kaugnayan sa coronavirus disease 2019, at pagtulong sa mga magsasaka matapos ang pagbili kamakailan ng pamahalaang panlungsod ng mga dagdag na sasakyan.

Nitong Huwebes, pinangunahan ni City Mayor Joseph Evangelista ang pagturn-over ng dalawang yunit ng ambulansya sa City Epidemiology and Surveillance Unit o CESU para magamit sa COVID-19 response. Dalawang yunit naman ang itinurn-over sa City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO para sa emergency response.

Sa kabilang banda, ang refrigerated van ay gagamitin ng Office of the City Agriculturist upang manatiling presko ang mga produktong gulay mula sa mga magsasaka. Matatandaang binibili ng pamahalaang panlungsod ang mga produkto ng mga magsasaka sa siyudad at inilalagak sa mga vegetable trading post. Ito ay bilang pagtulong sa mga magsasaka na apektado ng pandemya.

Maliban dito, magagamit din ang refrigerated van bilang storage ng mga bakuna kontra COVID-19.

Nabatid na nagkakahalaga ng P7 milyon ang nabanggit na mga ambulansya at mula ito sa 70 porsientong Local Disaster Risk Reduction and Management Fund o LDRRMF habang ang refrigerated van ay nagkakahalaga naman ng P4.5 milyon at mula naman sa 20% Economic Development Fund o EDF ng lungsod.

Samantala, siniguro ni Evangelista na magpapatuloy ang pamahalaang panlungsod sa pagpapatupad ng mga programa para sa ikabubuti ng mamamayan. Nanawagan din ang alkalde sa lahat na panatilihing ligtas ang mga sarili laban sa COVID-19 sa pamamagitan ng pagsunod sa minimum health protocols. (With reports from JSCJ-CIO Kidapawan City LGU)

About the Author

Shahana Joy Duerme-Mangasar

Writer

Region 12

Feedback / Comment

Get in touch