No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: “Buhay sa Gulay” project, inilunsad ng DAR sa lungsod ng Calapan

“Buhay sa Gulay” project, inilunsad ng DAR sa lungsod ng Calapan

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Inilunsad ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa lungsod na ito ang proyektong ‘Buhay sa Gulay’ kung saan magtatanim ang nasa 25 kasapi ng 4Ps ng iba’t-ibang uri ng gulay sa isang lote na halos kalahating ektaryang ang lawak sa site ng proyekto sa Brgy. Lalud kamakailan.

Sa mensahe ni Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO II), Engr. Isagani G. Placido, “ang proyekto ay gagawin sa halos 5,000 metro kuwadradong lupain na pagmamay-ari ng Apostolic Vicariate of Calapan (AVC) at may potensiyal pang mapalawig hanggang 4,000 metro kuwadrado. Ang lugar na ito ay inabandona na at dating tinataniman ng mga katutubong Mangyan ng mga gulay sa tulong ng Diocesan Social Action Center ng AVC.”

Nagbigay ng mensahe si Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO II), Engr. Isagani G. Placido tungkol sa proyektong inilunsad ng DAR, ang 'Buhay sa Gulay' sa Brgy. Lalud sa lungsod na kung saan tataniman ng iba't-ibang uri ng gulay na pangangasiwaan ng 25 kasapi ng 4Ps. (Dennis Nebrejo/PIA Oriental Mindoro)

Ipapatupad din anya ang programang ‘Buhay sa Gulay’ sa pamamagitan ng isang Memorandum of Understanding (MOU) na nilagdaan ng mga stakeholders para sa tulong-tulong na pangangasiwa ng nasabing lugar.

Nakatakda din magtayo ng isang gusaling pagsasanay na pangangasiwaan ng barangay Lalud kung saan 25 kalahok na kabilang sa 4Ps ang sasanayin ng mga taga Mary Help of Christians School Mindoro at pagkatapos ay hihimayin mabuti ang kanilang natapos bago pagkalooban ng National Certificate o NC2.

Ang barangay din ang maglalagay ng patubigan, plastik na drum gayundin ang mga gagamiting organic fertilizer sa pagsisimula ng proyekto.Bukod dito ay magkakaroon ng tuluyang pagsasanay sa paggawa ng Organic Poultry na ipagkakaloob ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa tulong pa rin ng Mary Help of Christians School Mindoro tulad ng pamamaraan sa paggawa ng organic fertilizer gamit ang mga dumi ng manok.

Ang bahagi ng nasa halos kalahating ektaryang lupain na siyang pagtataniman ng 10 uri ng mga gulay. (kuha ni Dennis Nebrejo/PIA Oriental Mindoro)

Sa nasabing pagsasanay, makakatanggap din ang mga partisipante ng allowance at starter kit mula sa TESDA.

Ang nasabing lugar ay tataniman ng 10 iba’t-ibang uri ng gulay tulad ng kamatis, okra, talong, pechay at iba pa, habang ang tanggapan ng agrikultura ng lungsod ay handang magkaloob ng mga buto ng rambutan at lansones.

Matapos ang nasabing paglunsad, ipinagkaloob naman ng DAR sa mga tinukoy na kooperatiba ng magsasaka sa lalawigan ang isang Isuzu Elf mini truck, anim na motorcycle trailer, na siyang magagamit sa paghatid sa mga pamilihang bayan o merkado, at pitong hand tractor, at ginanap ang seremonyal na pagtatanim.

Handang magbahagi ang Pamahalaang Lungsod ng Calapan ayon kay Mayor Arnan C. Panaligan ng mga buto ng lansones at rambutan na ipagkakaloob ng tanggapan ng agrikultura ng lungsod. (kuha ni Dennis Nebrejo/PIA Oriental Mindoro)

Dumalo din sa naturang okasyon si Calapan City Mayor Arnan Panaligan, Cristine Pine na kumatawan kay Gob. Humerlito Dolor, TESDA Provincial Director Joel Pilotin, Sis. Ailyn Cayanan ng Mary Help of Christians School Mindoro Inc., Baranagay Kapitan ng Lalud Jolly De Chavez at kinatawan ng mga stakeholders. (DPCN/PIA-Oriental Mindoro)




About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch