No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Muling pagbuo ng EDCOM tugon sa education crisis -Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, (PIA) -- Maigting na pagsulong at pagpapatupad ng mga reporma sa sektor ng edukasyon, ito ang nais ni Senator Win Gatchalian na maisakatuparan sa panukalang magbuo uli ng Congressional Oversight Committee on Education (EDCOM).

Kung walang makabuluhang reporma sa sektor ng edukasyon---mula curriculum, kalidad ng mga guro, hanggang sa education governance---ang pinsalang dulot ng krisis sa edukasyon ay maaaring tumagal pa kahit tapos na ang pandemya ng COVID-19, babala ni Gatchalian. Ikinabahala rin ng mambabatas ang kasalukyang kawalan ng “catch-up plan” o remedial programs upang matulungan ang mga mag-aaral na makahabol mula sa epekto ng isang taong pagsasara ng mga paaralan.

Lumabas sa isang pag-aaral ng World Bank na mahigit walumpung (80) porsyento ng mga mag-aaral sa bansa ang hindi natututo ayon sa kanilang antas. Lumabas din sa naturang pag-aaral ang ilan sa mga pangunahing isyu tulad ng mababang kalidad ng disiplina sa classroom, mga insidente ng bullying, at ang pakiramdam ng mga mag-aaral na hindi sila tanggap sa kanilang mga paaralan.

Ang pagsusuring ito ng World Bank ay batay sa datos ng tatlong malalaking international assessments na isinagawa bago pa tumama ang pandemya: ang 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM) 2019, at Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) 2019.

Maliban sa pag-decongest ng curriculum, binigyang diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng pag-angat sa kalidad ng pagsasanay at edukasyon ng mga guro, bagay na nais matamo ng Senate Bill No. 2152 o ang Teacher Education Excellence Act.  Layon ng panukalang batas na amyendahan ang Republic Act No. 7784 upang paigtingin ang kakayahan ng Teacher Education Council (TEC) na pagbuklurin ang Commission on Higher Education (CHED), ang Professional Regulation Commission (PRC), at ang Department of Education (DepEd).

Isinusulong din ni Gatchalian ang mas malaking papel ng mga local government units sa pag-angat ng kalidad ng edukasyon sa pamamagitan ng Senate Bill No. 1579. Sa ilalim ng naturang panukala, magiging mandato sa mga local school boards ang pagpapatupad ng mga reporma para maiangat ang kalidad ng edukasyon. Ito ay susukatin gamit ang datos mula sa mga achievement scores ng national tests, assessment tools, at iba pang standardized test scores.

“Bago pa tumama ang pandemya, nasa ilalim na ng krisis ang sistema ng ating edukasyon kaya lalo pa nating dapat paigtingin ang reporma upang maiwasan natin ang lalong pag-urong ng kaalaman ng ating mga kabataan,” ayon kay Gatchalian.

Isinusulong ng Senate Joint Resolution No. 10 ang muling pagbuo ng EDCOM na unang binuo noong 1990. Dahil dito ay nabuo ang ulat na pinamagatang Making Education Work, An Agenda for Reform. Isa si Gatchalian sa mga naghain ng naturang resolusyon kasama sina Senador Sonny Angara, Franklin Drilon, Grace Poe, at Joel Villanueva. (OSWG/PIA-NCR)

About the Author

Jerome Carlo Paunan

Editor

NCR

Feedback / Comment

Get in touch