Ipinakikita ni City Councilor Atty. Herbert Dilig ang kopya ng kaniyang panukalang ordinansa na bubuo sa City Fisheries and Aquatic Resources Management Office ng Puerto Princesa City (larawang kuha ni Michael Escote, PIA-Palawan)
PUERTO PRINCESA, Palawan, (PIA) -- Pinanunukala ngayon sa sangguniang panglungsod ng Puerto Princesa sa pamamagitan ng isang ordinansa ang pagbuo ng City Fisheries and Aquatic Resources Management Office.
Ayon kay City Councilor Atty. Herbert Dilig, may akda ng panukalang ordinansa, maliban sa napapaligiran ng dagat ang buong lungsod ay napakaraming residente rito na ang hanapbuhay ay pangingisda.
"Hindi natin minamaliit ang City Agriculture’s Office (CAO) na nakakasakop ngayon rito pero sa aking pananaw, mas maganda kung magkakaroon ng hiwalay na opisina na siyang tututok sa kalagayan ng ating aquatic resources pati na rin ng ating mga mangingisda", giit pa niya.
Kasama rin sa panukalang ordinansa ang pagtanggal sa fisheries division ng CAO kaya hindi aniya magkakaroon ng pagdoble ng mga gawain at obligasyon dahil tututok na lamang ito sa panglupang trabaho habang ang bagong bubuuing tanggapan ay tututukan ang katubigang sakop ng syudad.
Sinabi pa ni Dilig na layunin rin ng ordinansa na matututukan ang kapakanan ng mga mangingisda sa pamamagitan ng pagbuo ng mga programang magpapaunlad sa kanilang kabuhayan tulad ng seaweeds farming at aqua-culture projects na kaunti pa sa ngayon sa lungsod.
Naniniwala ang Konsehal na kapag umunlad ang pamumumuhay ng mga mangingisda ay tiyak na uunlad rin ang syudad. Sa ngayon ang panukalang batas o SDO No. 234-2021 ay nasa komite ng konseho para mapag-usapan at mapag-aralan pa ng husto.(MCE/Mimaropa)